News

10-talampakang pating, hinuli at kinatay sa isla

By JOENALD MEDINA RAYOS

TINGLOY, Batangas – HINULI, hinila, saka kinatay at ibinenta. Ito ang naging kalbaryo ng isang pating (tiger shark) na may habang humigit-kumulang 10 talampakan sa kamay umano’y mga walang pusong mangingisdang dumayo sa bayang ito noong araw ng mga puso.

Kuwento ni Lesther Manalo, volunteer-diver ng freediveph, isang grupo ng mga maninisid na nagmomonitor sa mga bahura sa isla ng Maricaban, nahuli umano ng mga mangingisda sa katubigang bahagi ng Tingloy ang naturang pating nang sumabit ito sa lambat ng mga nanghuhuli ng isdang gulyasan.

“Ang nakikita ko pong pagkakamali nila, sa halip na pakawalan ang pating, ay tuluyan nila itong hinuli at kinatay,” pahayag pa ni Manalo.

Mula umano sa karagatan ay tinalian ang pating at saka hinila ng bangka papunta sa baybayin ng Barangay San Juan, Tingloy at saka doon kinatay at ibinenta ng tig-P50 bawat kilo.

Nabatid pa na sinikap pigilan ng ilang volunteers ang pagkatay sa pating sapagkat buhay pa ito ng makarating sa mababaw na bahagi ng dagat ngunit ipinagpatuloy pa rin ng mga mangingisda ang pagkatay, sapakat may mga residente mismo sa barangay na gustong bumili ng karne ng nasabing pating.

Pebrero 4, pumasa na sa Ikatlong Pagbasa ng Kamara ang House Bill No. 8926 o ang panukalang Shark Conservation Act of the Philippines. Bagaman at wala pang tuwirang napagtitipay na batas na nagbabawal sa paghuli sa ganitong uri ng pating, isinusulong ng mga conservation advocates na hayaang manatili sa karagatan ang mga pating na may malaking papel sa pagbalanse ng ecosystem.

Ayon sa ilang pananalisiksik, mas malaki pa umano ang kikitain ng bayan mula sa turismo kung maraming pating sa mga bahura gaya ng karanasan ng Apo Reef sa may Sablayan, Occidental Mindoro.

“On average, humans kill about 100 million sharks around the world each year, with most targeted by commercial fishermen for their fins and flesh. Sharks killed five people worldwide last year,” sabi sa ulat ng online news porta na USA Today.

“Sharks that are free to swim around in their natural habitats are a valuable part of tourism around the world, a new study finds, which suggests sharks are worth more in the world’s oceans than they are on restaurant menus. Currently, shark ecotourism brings in $314 million annually worldwide, and this sector is expected to continue growing. Surges in shark tourism are particularly evident in the Caribbean and Australia, the researchers said,” dagdag pa sa ulat.

Sa mga mamahaling restoran na naghahain ng mga eksotik o kakaibang putahe, kadalasang in-demand ang mga buntot at palikpik ng pating na pinaniniwalaang nakapagpapagana ng kakayahang sekswal at nakapagpapahaba ng buhay, lalo na ng mga Intsik.

Tiger shark [Image by Dino.animals.com]
 Alin ang tiger shark (tigreng pating)

Ang tiger shark na may scientific name na Galeocerdo cuvier ay isang uri ng requiem shark. Ito ay maaaring lumaki ng hanggang mahigit limang (5) metro o mahigit pang 16 na talampakan ang haba. Sila ay kadalasang matatagpuan sa mga katubigan ng mga isla sa gitnang Pasipiko.

Tinatawag ding “garbage eater”, ang pating na ito sapagkat kadalasang kumakain ito ng mga basura sa karagatan. Itinuturing na ring malapit nang manganib ang uring ito bunga ng talamak na paghuli sa kanila o dili kaya ay pagkuha ng kanilang mga palikpik.|#BALIKAS_News