By EDGAR RODELAS & JOENALD MEDINA RAYOS
AGONCILLO, Batangas – PAWANG napatay ang pitong (7) kalalakihang hinihinalang miyembro ng Baklas-Bubong Robbery Group na armado ng iba’t ibang kalibre ng baril sa isang madugong engkwentro laban sa mga pulis sa Barangay Banyaga, sakop ng bayang ito, Lunes ng madaling-araw.
Sa paunang ulat ng pulisya, unang pinara ng mga pulis sa isang checkpoint operation sa Barangay Binerayan, bayan ng Laurel, Batangas ang mga suspek, lulan ng isang puting van na may plakang TIH-344. Ngunit sa halip na humimpil ito, ay bnanggap pa ng mga suspek ang barrier ng Comelec Checkpoint at tumalilis palayo partikular sa direksyon ng bayan ng Agoncillo. Dahil dito, kaagad na itinimbre ang pangyayari sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Agoncillo upang maipatupad ang lockdown operation sa mga posibleng daanan nito.
Pagsapit sa bisinidad ng Barangay Banyaga sa bayang ito kung saan ay nakapaglagay kaagad ng checkpoint ang pulis-Agoncillo, namataang isang van ang mabilis na papalapit dito at nang parahin ng mga nagpapatrolyang pulis sa nasabing checkpoint, kaagad na pinabilis ng mga suspek ang naturang van at pinaulanan ng putok ang mga alagad ng batas.
Nagkahabulan pa ang mga suspek at ang mga pulis, ngunit sa di kalayuan, kung saan isa pang grupo ng mga pulis-Agoncillo ang nagpapatrolya, nakorner ang mga suspek at nakipagpalitang-putok pa sa mga nasabing pulis.
“Nung dumaan kasi sila doon sa dulo ng checkpoint (na nakikita nyo), namataan kaagad ng tropa na sumigaw kaagad ang tropa ng nandiyan na yung van. Kami naman dito sa kabila na blocking force nandiyan sa bandang kurbada, nung marinig namin ang sigaw ng tropa binlock namin.Then itong sa may passenger naglabas sya ng baril. Nung makita namin na may inilabas siyang baril nakababa agad kaming dalawa (2) na nasa harapan, yung driver ko pati ako.Then nung nakarinig ng putok, yung kasama namin sa likod na tropa eh bumaba na rin. Nakita nga nila na may iba pa na tumakbo mula sa van,” salaysay ni PSI Jayson Aguilar, hepe ng Agoncillo Municipal Police Station.
Batay sa record ng pulisya, bago pa man naganap ang engkwentro, nauna nang nakapambiktima ang grupo sa sa bayan ng Taysan, Batangas kung saan ay nakulimbat ng mga ito sa isang feedmill ang hindi bababa sa P15,000 cash.
Iniuugnay rin ang mga suspek sa serye ng nakawan sa Batangas, gaya ng pagpasok ng mga isang convenience store sa bayan ng Taal kung saan ay tinangay nila ang may P150,000 halaga ng cash at iba pang items.
Ang grupo ring ito ang itinuturong responsible sa panloloob sa isang agricultural store sa bayan ng San Jose noong Agosto at Oktubre 2018 kung saan ay natangay nila ang may P1.3-milyong cash.
Samantala, narekober naman ng mga Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa ginamit na sasakyan ng mga suspek ang iba’t ibang gamit nila sa pagnanakaw gaya ng mga bonet, maskara at maging ang iba’t ibang kalibre ng baril.
Hanggang sa sandaling sinusulat ang balitang ito, nananatili pa ring nasa isang funeraria sa bayang ito ang labi ng mga suspek habang inaalam pa ang mga posibleng pagkakakilanlan sa mga ito.|#BALIKAS_News