KAUGNAY ng mas pinaigting na kampanya at pagbabantay laban sa banta ng African Swine Fever (ASF) sa Pilipinas, minarapat ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ng Office of the Provincial Veterinarian, ng muling magbigay paalala sa mga Batangueño sa kung ano ang maaring kaharapin ng industriya ng pagbababuyan sa lalawigan, kung sakaling maapektuhan ng naturang sakit.
Ang ASF ay isang virus na walang gamot o bakuna, at madaling makahawa sa mga baboy. Maaring may ASF ang isang baboy kung nakararanas ito ng mga sintomas o palantandaan, gaya ng lagnat, pulang pantal sa katawan, at pagdurugo ng internal organs na ikamamatay nito sa loob ng dalawa hanggang sampung araw.
Ayon kay Provincial Veterinarian, Dr. Romel Marasigan, walang dalang panganib umano sa kalusugan ng tao ang ASF, subalit maaring naman maging carrier ang tao kaya kinakailangan ang ibayong pag-iingat.
Tinututukan ng tanggapan ang mas pina-lawak na 17 animal inspection and transport carrier checkpoints sa lalawigan na matatagpuan sa mga bayan ng Lemery, San Juan, Sto. Tomas, Padre Garcia, Nasugbu, Talisay at Tanauan City.
Binigyang-diin ni Dr. Marasigan na patuloy ang Pamahalaang Panlalawigan sa pagpa-patupad ng panuntunan ng Buraeu of Animal Industry sa “B.A.B.ES” na layong maiwasang makapasok ang ASF sa bansa. Ito ang B-an pork imports from 13 countries; A-void swill feeding; B-lock entry at international ports; E-ducate our People; at S-ubmit our samples.
Ibinahagi rin ng provincial veterinarian na ang pagkakaroon ng strict biosecurity ang pinakamabisang depensa laban sa African Swine Fever, kabilang ang mas pinaigting na screening measures sa mga paliparan at pantalan; at regular na paglilinis at pagdidisimpekta ng mga livestock pens, gusali, sasakyan at iba pang mga kagamitan.
Batay sa datos noong Enero 2019, ang Lalawigan ng Batangas ang top producer ng baboy sa buong CALABARZON Region at pangalawa naman sa buong Pilipinas, sunod sa Bulacan. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit hindi dapat ipagsawalang-bahala ang epidemya, na nakakaapekto na sa 19 na bansa sa buong mundo, at maipabatid sa lahat kung gaano kalaking problema ang maidudulot nito sa suplay ng baboy sa bansa.|
Mark Jonathan M. Macaraig