By MARK JONATHAN M. MACARAIG
NANANATILI ang Lalawigan ng Batangas sa listahan ng sampung pinakamayamang lalawigan sa Pilipinas, batay sa inilabas na Annual Financial Report ng Commission on Audit.
Muling pumangatlo ang Batangas sa buong bansa sa nasabing listahan, samantalang nangunguna pa rin sa CALABARZON Region, matapos makapagtala noong 2018 ng tinatayang ₱18.186 billion total assets. Tumaas ang kabuuang kita o yaman nito ng 16.82% mula sa ₱15.568 billion noong 2017.
Nanguna sa pinakamayayamang lalawigan ang Cebu (₱35.659 billion), na sinundan ng Compostela Valley (₱19.615 billion), Batangas (₱18.186 billion), Rizal (₱18.076 billion), Bukidnon (₱15.278 billion), Negros Occidental (₱14.446 billion), Laguna (₱11.587 billion), Iloilo (₱11.442 billion), Palawan (₱11.277 billion), at Zambales (₱11.241 billion).
Napabilang naman sa Top 10 richest municipalities ang ngayon ay lungsod na ng Sto. Tomas, na naging pang-apat, bunsod ng ₱2.566 billion total assets, at Bayan ng Calaca, na nasa ika-sampung puwesto dahil sa assets na ₱1.876 billion.
Sa flag ceremony noong ika-21 ng Oktubre 2019 sa Provincial Auditorium, Lungsod ng Batangas, ibinahagi ni Governor DoDo Mandanas ang muling pagkakasama ng Batangas bilang isa sa mga pinakamayamang lalawigan sa bansa.
Binigyang-pansin din niya ang pagkakahirang ng probinsya bilang ikatlo sa top tourist destinations sa bansa noong nakaraan taon. Aniya, hindi lang yamang material ang tinataglay ng lalawigan, kung hindi pati na rin sa likas na yaman na tunay na pinagpala sa mga kilalang destinasyong panturismo.
Dagdag pa ng Gobernador, dapat ipagpasalamat sa Panginoong ang lahat ng tagumpay at mga adhikaing nabibigyang katuparan na nakatuon sa kabutihan ng bawat isang Batangueño.|-BALIKAS News Network