SENTRO ng pagdiriwang ng ika-442 taong pagkakatatag ng Lalawigan ng Batangas nitong Biyernes, Disyembre 8, ang pagpapakilala sa lalawigan bilang “Melting Pot of Rich Diversity” at tinawag ding “Gateway to Prosperity.”
Kaugnay nito’y inihayag ni Gobernador Hermilando I. Mandanas ang napipintong pagsusumite sa Philippine National Commission (PNC) for UNESCO (United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization) para sa nominasyon nito na mapabilang o makasama sa listahan ng mga kinikilala bilang World Heritage Site ang Taal Volcano Protected Landscape (TVPL) at ang Verde Island Passage (VIP).
Ipinagkaloob ng pamahalaang panlalawigan ang mga dokumento at ang nabanggit na dalawang dossier sa kinatawan ng PNC for UNESCO na si Deputy Executive Director Lindsay Barrientos. Ito rin ang nagsilbing hudyat para sa pagsisimula ng proseso upang masusing mapag-aralan ang dalawang hiyas ng lalawigan na inaasahang maaprubahan at mapapagtibay ng UNESCO.
Samantala, kasama sina Anakalusugan party-list Congressman Ray Florence Reyes, Vice Governor Mark Leviste, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at mga department heads, kinilala rin ng lalawigan ang mga natatanging indibidwal na nag-ambag ng dangal at propriyedad sa lalawigan.
Selebrasyon ng Pasasalamat: Pagmamalaki sa mga Biyaya at Pagtanaw sa Kasaysayan
Sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng pag-aalay ng Misa Pasasalamat na pinangunahan ni Reb. Msgr. Ernesto I. Mandanas, Jr. (kapatid ni Giob. Mandanas), katuwang si Reb. P. Ildefonso Dimaano. Eksakto naman na ang pagdiriwang ng Foundation Day ng lalawigan ay natapat na kaabay ng Dakilang Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Inmaculada Concepcion na ilang taon na ring idineklara bilang special non-working holiday sa buong bansa.
Pormal naman na binuksan ni Vice Gov. Leviste ang programa sa pamamagitan ng pagbasa ng Sangguniang Panlalawigan Ordinance No. 001, na nagpapahayag at naglalaman ng opisyal na deklarasyon ng pagkakatatag ng probinsya.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, opisyal na ring naipakilala sa publiko ang bagong bandila ng Batangas na hango na sa bagong seal o simbolo ng lalawigan. Itinanghal ang bagong watawat sa saliw ng Himno ng Batangan.
Dahil kilala ang kulturang Batangueño sa pagkakaroon nito ng makulay na kuwento at kasaysayan, minarapat ng lalawigan na ito ay mapangalagaan sa pamamagitan ng pagtataguyod ng isang samahan na tinawag na Batangas History Society o BHS.
Kaugnay nito, sa ginanap na pagtitipon, opisyal na ring nanumpa ang mga newly-elected officers ng BHS, na pangungunahan nina Governor Mandanas bilang Chairperson ng nasabing lupon; Atty. Sylvia Marasigan, Presidente ng Batangas Culture and Arts Council, na tatayong Vice Chair; at Ginoong Lino Atienza, mula sa Pamanlahi at tubong Taal, Batangas, na magsisilbi naman bilang Presidente.
Bilang bahagi pa rin ng 442nd founding anniversary celebration ng Batangas, naghatid ang Batangas Capitol All Stars ng awitin at sayaw na hango naman sa kanilang interpreasyon ng awiting Hiraya. Dagdag pa rito, nagbigay rin ng isang espesyal na pagtatanghal ang mga artists o gumaganap sa sarswelang Hibik at Himagsik nina Victoria Laktaw, na akda ni Batangueño National Artist at 2019 Dangal ng Batangan Eminent Person, Ginoong Bienvenido Lumbera.
Selebrasyon ng Kagitingan: Pagpapahalaga sa Mamamayan at Pagtutok sa Kaunlaran
Samantala, naging tampok rin ng buong programa ang pagbibigay-parangal sa mga Batangueño at Batangueña na kinilala para sa kani-kanilang mga natatanging kontribusyon sa lipunan, kabilang ang muling paghirang sa mga Dangal ng Batangan ngayong taon.
Unang kinilala ng pamahalaang panlalawigan si Lipa City Mayor Eric Africa na tumanggap ng special citation para sa kaniyang kontribusyon o pagsusulong ng mga programang nakatuon sa larangan ng social welfare and development.
Para naman sa hanay ng mga kinilalang Dangal ng Batangan Awardees ngayong taon, na pawang mga indibidwal na nagbibigay inspirasyon at kumakatawan sa limang Diwang Batangueño, tulad ng kagitingan, kasipagan, katapangan, katalinuhan, at karilagan.
Isinilang sa Lungsod ng Batangas, kinilala ang kaniyang makulay na legasiya simula nang siya ay naordenan bilang pari noong March 23, 1958, mahabang panahong nakibaka para sa kapaligiran at usaping pangkomunidad bilang Obispo ng Diyosesis ng Malaybalay, Bukidnon, hanggang sa maitalagang Arsobispo ng Lipa noong December 1992, at hiranging maging Arsobispo ng Maynila noong September 15, 2003.
Sa hanay ng Dangal ng Batangan for Culture and Arts, iginawad sa tubong Tulo, Batangas City at tumatayong Dance Director ng Likhang Sining Dance Company na si Mr. Peter John Caringal ang Batangas Artist Award for Dance, habang ang Batangas Artist Award for Architecture naman ay ipinagkaloob sa lead contributor ng retrofitting project ng Museo ng Batangas noong taong 2018 na si Architect Edwin Barrion.
Si Mr. Loriel Castillo, visionary founder ng Arte Bauan at Visual Poetry Philippines, ang hinirang na Batangas Artist Awardee for Visual Arts, at Mr. Lionel Nestor Macatangay Guico, na isang soloist at artist mula sa Batangas City, naman ang kinilala bilang Batangas Artist Awardee for Music.
Sa hanay ng Dangal ng Batangan for Public Service, ipinagkaloob kina Retired 2nd Lt. Lillian Martinez Magsino at General Gregorio Pio Punzalan Catapang Jr. ang naturang pagkilala para sa kategorya ng Military Service at Dr. Alfred Buenafe para sa kategorya ng Medical Service.
Iginawad ang pinakamataas na pagkilala o ang Dangal ng Batangan – Eminent Person sa Kaniyang Kabunyian Gaudencio B. Cardinal Rosales, ang Archbishop Emeritus ng Arsidiyosesis ng Maynila.
Sa naging mensahe ni Governor Hermilando Mandanas, kaniya muling binigyang-diin na ang mga mamamayan o mga Pilipinong Batangueño ang siyang unang hiyas at yaman ng lalawigan.
“Magbago, umunlad, pagsama-samahin ang ating mga katangian…kaya narito tayo ngayon at patuloy pa rin na binibigyan natin ng kahalagahan ang ating unang hiyas…ang ating mamamayan,” saad ng gobernador.
Ayon pa sa kaniya, kasabay ng pagkilala sa mga mamamayan ng lalawigan ay ang patuloy niyang pagtutok sa mga pangangailangan ng mga ito, tulad na lamang aniya ng tuloy-tuloy na pagpapaganap ng mga inisyatibo at programa sa larangan ng kalusugan at edukasyon.
Ulat nina Joenald Medina Rayos at Mark Jonathan M. Macaraig