Upang mapalakas at suportahan ang mga Micro, Small, and Medium Enterprise (MSME), nagsagawa ang Provincial Office ng Department of Science and Technology sa Laguna (DOST-Laguna) ng isang Pagsasanay sa Inventory Control o pag-iimbentaryo noong Pebrero 17, 2023.
Bahagi ito ng serye ng capability development webinars na inorganisa ng ahensya para sa kanilang mga benepisyaryong MSME sa ilalim ng mga programang Small Enterprise Technology Upgrading Program (SETUP) at Grants-in-Aid Community Based Projects (GIA-CBP) para sa unang semestre ng taon.
Layon ng aktibidad na ito na maunawaan at malaman ng mga lumahok na MSME ang mga mahahalagang benepisyo ng pag-iimplementa ng mas maayos na inventory control at pag-digitize sa pamamahala ng imbentaryo at suplay sa kanilang negosyo.
Binigyang-diin ni Dr. Philip Ermita, Associate Professor of the Polytechnic University of the Philippines (PUP) na siyang nagsilbing tagapagsalita, ang kahalagahan ng innovation o makabagong ideya sa inventory management ng maliliit na mga Negosyo na maaaring magresulta sa mas mabisa at cost-effective na mga kasanayan sa pagnenegosyo. Makatutulong ito para maging mas produktibo at tumaas ang kanilang kita.
Tinalakay ni Ermita ang mga suliraning madalas na kinakaharap pagdating sa pamamahala ng imbentaryo ng mga MSME, at kasabay nito ay nagbahagi rin ng mga posibleng solusyon. Kasama sa mga nabanggit niyang solusyon ang digitization o paggamit ng mga inventory software at artificial intelligence upang mapadali at mapaganda ang kanilang management system mula sa pagproproseso, pamamahala, hanggang sa pag-momonitor ng kanilang mga produkto.
Binahagi rin ng tagapagsalita ang mga pamamaraan upang mas mapabuti ang proseso ng inventory management ng mga MSME at kung ano ang mga dapat nilang isaalang-alang. Aniya mahalaga na kayang tukuyin at sukatin ang kanilang Key Performance Indicators (KPIs) para sa mabilisang paggawa ng mga desisyon sa kanilang negosyo.
Nagpasalamat naman ang DOST-Laguna sa suporta ni Prof. Ermita na inanyayahan pa ang mga kasamahan niyang eksperto mula sa PUP na magsponsor ng apat na iba pang sesyon ng pagsasanay para pa rin sa mga MSME.
Hinihimok naman ng DOST-Laguna ang mga assisted MSME ng kanilang opisina na daluhan ang lahat ng libreng webinar na isasagawa nila hanggang Hunyo. Iaanunsiyo nila ang schedule sa kanilang official Facebook page sa https://www.facebook.com/dostlaguna.
Pangunahing adhikain ng DOST-Laguna ang patuloy na magtaguyod ng mga aktibidad para sa pagpapalakas ng kapasidad ng kanilang mga benepisyaryong MSME. (Impormasyon mula sa: