By JENNILYN AGUILERA
DUMALO si Batangas Gov. Hermilando “Dodo” I. Mandanas sa magkakasunod na mga pagpupulong na ginanap sa Metro Manila na may kinalaman sa pagkatig ng Korte Suprema sa petisyong kanyang pinangunahan patungkol sa paglaki ng nararapat na Internal Revenue Allotment (IRA) na natatanggap ng mga local government units mula sa mga buwis na nakokolekta.
Metro Manila Council
Naging resource speaker si Gov. Mandanas sa isinagawang 14th Metro Manila Council Regular Meeting sa Lunsod ng Mandaluyong, na pinangunahan ni Council chairperson at Quezon City Mayor Herbert Bautista, noong ika-7 ng Agosto 2018.
Nagbigay ang Batangas governor ng mga paglilinaw ukol sa karagdagang IRA na maaaring matanggap ng mga LGUs. Sa bahagi ng Metro Manila Council, ang governing board and policy making body ng Metro Manila Development Authority, nagpasalamat sila kay Gov. Dodo sa pangunguna sa nasabing petisyon at sinabing agaran silang maghahain ng Resolution upang huwag nang umapela ang pamahalaang nasyunal sa Korte Suprema, bagkus ay agarang ipatupad ang nauna nang desisyon nito kaugnay ng IRA increase para sa mga LGUs.
Union of Local Authorities of the Philippines
Sa 88th National Executive Board meeting noong ika-9 ng Agosto 2018 ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), ang umbrella organization ng lahat ng liga at samahan ng LGUs sa bansa at ng mga locally elected officials, nagpasa ang ULAP ng Resolusyon na kumikilala kay Governor Mandanas sa pagsusulong ng karapatan ng mga lokal na pamahalaan na matanggap ang wastong kabahagi ng IRA, ayon sa isinasaad sa batas.
Sa meeting na ginanap sa DILG NAPOLCOM Center sa Quezon City, binigyang-diin ng ULAP National Executive Board na ang pagkakapanalo ng petisyon ng gobernador ng Batangas Province sa Korte Suprema ay isang panalo ng mga Batangueño at ng buong sambayanang Pilipino.
Isinaad din ng nasabing pamunuan na may resolusyon na din sila upang hika-yatin ang pamahalaang nasyunal na kaagad nang ipatupad ang SC Decision sa Mandanas Petition at huwag nang maghain ng apela para mabaliktad ito.
League of Provinces of the Philippines
Samantala, noong ika-10 ng Agosto 2018, dumalo rin si Gov. Mandanas sa pagpupulong ng League of Provinces of the Philippines (LPP) sa Lunsod ng Makati. Sa pangunguna ni LPP president at Ilocos Sur Gov. Ryan Luis Singson, isa sa mga agenda ng meeting ang patuloy na talakayan sa usapin ng IRA.
Ibinahagi ni Governor Mandanas ang kanyang ulat tungkol sa matagumpay na IRA Petition sa Supreme Court ng bansa.
Nagpasalamat at nagpa-abot naman ng pagbati ang liderato ng LPP sa gobernador, na kagaya ng ULAP at Metro Manila Council, ay maghahain din ng resolusyong nagpapahayag ng suporta sa SC decision at hihimok sa national government na huwag nang magsampa ng Motion for Reconsideration patungkol sa nararapat na kabahagi ng LGUs sa lahat ng nakokolektang buwis.|#BALIKAS_News
[Photos by ERIC ARELLANO]