BATANGAS City – TULUYAN nang ibinasura ng Regional Trial Court (RTC) ng Batangas City ang kasong kriminal (Criminal Case No. 23-31130 for Violations of RA No. 9516) na inihain ng pulisya laban kay Mayor Nilo Villanueva y Magtibay ng bayan ng Mabini, Batangas.
Sa kaniyang 10-pahinang desisyon noong Huwebes, Agosto 24, kinatigan ni Hon. Dorcas P. Ferriols-Perez, Presiding Judge ng RTC – Branch 84 ang “Omnibus Motion to Quash Search Warrant No. 23-442, to Suppress Evidence and to Dismissed the Case for Lack of Probable Cause” na inihain ng abogado ni Villanueva.
Ayon sa husgado, kinakitaan ng mga iregularidad ang pag-apply ng pulisya ng search warrant, ang pag-isyu nito ni Hon. Judge Mary Josephine P. Lazaro ng RTC Branch 74 sa Antipolo City, at maging ang mismong ang ginawang pag-raid sa Villanueva Compound noong Hunyo 16, 2023.
Sa paglilitis ng naturang kaso, binigyang-diin na walang hurisdiksyon ang husgado ng Antipolo City sa pag-isyu ng search warrant sa Mabini, Batangas na nasa hurisdiksyon ng husgado ng Batangas City.
Gayundin, sa pag-apply ng pulisya, nabatid na hindi rin tuwirang nailahad ng mga pulis ang espisipikong lugar na hahalughugin, ang tamang tirahan ni Mayor Nilo Villanueva, maging ang paggamit ng cellphone bilang alternatibong video recorder na gagamitin sa pagrekord ng paghahalughog.
Bukod dito, nang isigawa ang raid, walang presenya ni Mayor Villanueva, o maging ng sinumang miyembro ng kaniyang pamilya sa atic ng bahay kung saan umano nakuha ni Patrolman Jaybee Sumalbag ang isang maliit na pouch with camouflage design – bagay na malinaw na hindi umaayon sa Section 8, Rule 126 ng Revised Rules of Criminal Procedure.
Wala ring ginamit na body cameras sa paghahalughog, sa halip ay gumamit lamang umano ng cellphone bilang rekorer na hindi rin naman naipaliwanag sa husgado. Ayon sa husgado, kailangang ipinaliwanag sa korte sa pag-apply sa pagkuha ng search warrant, kung merong magagamit na body cameras o kung wala naman ay kailangan ding ipaliwanag kung anong alternative device na gagamitin.
Nang iharap ng mga pulis ang isa sa mga testigo na si Ronaldo Andal Mercado, sinabi nito na naging tauhan umano siya ng mga Villanueva sa piggery at ang kumpletong tirahan ng alkalde ay sa “Kanluran” at sa “Sto. Tomas, Ilaya, Batangas”, gayong ang nakalagay naman sa search warrant ay “Villanueva Compound, Sitio SIlangan, Brgy. Sto. Tomas, Mabini, Batangas”.
Dahil ditto, idinismis ng husgado ang kaso, at ipinag-utos na rin sa pinuno ng PNP-CIDG-RFU-NCR na palayain na ang akusadong si Mayor Villanueva, maliban na lamang kung may ibang asuntong ligal na kinakaharap siya.
Iniutos din ng husgado na i-dispose na ang hand grenade na umo’y narekover ng pulisya at mag-ulat sa husgado sa loob ng limang araw kung naipatupad na ang hatol ng korte.
Hiwalay namang nadismis na rin ang mga kasong inihain laban sa kaniyang mga kapatid na kasama niyang inaresto kasunod ng paghalughog sa kanilang compound noong Hnyo 17, 2023.
Samantala, sa isang hiwalay na panayam, hiningi ng BNN News Team kay dating Deputy Speaker at Batangas 2nd District Congressman Raneo E. Abu ang mensahe nito kaugnay ng naging developemnt sa kaso ni Mayor Villanueva bilang kilalang magka-alyadong lider sa distrito.
“Lubos ang ating pasasalamat sa Diyos na nagkaroon ng maagang hustisya ang asuntong kinaharap ni Mayor Nilo na kilalang isang matapat at mahusay na lingkod-bayan. Ako’y humahanga rin sa pagiging mahusay na statesman ni Mayor Nilo Villanueva, na bilang isang abogado at lingkod-bayan ay ipinakita ang disiplina at pagkamaginoo, na sumunod sa established legal procedures, iginalang ang batas hanggang sa matapos ang paglilitisa ng husgado,” pahayag ni former Congressman Abu.
Aniya pa, “ako’y nagpapasalamt din at humahanga sa kahusayan at katapatan ng husgado sa pagdinig sa kaso, kung kaya’t nakamit ni Mayor Nilo ang hustiya.” | – Joenald Medina Rayos