By JOENALD MEDINA RAYOS
LIPA City – HINDI umano naayon sa batas at hindi dapat maging kalakaran na sa mga proyekto ng pamahalaan gaya ng mga kalsada na nakukuha ang bahagi ng mga pribadong ari-arian na hindi naman nababayaran, kung kaya’t dapat aksyunan ito ng Sangguniang Panlungsod.
Pahayag ni Kagawad Avior Rocafort sa espesyal na sesyon ng konseho noong Miyerkules, Enero 16, maliwanag sa batas na kailangang bigyan ng kaukulang kabayaran o kumpensasyon ang mga pribadong ari-arian na nagamit ng pamahalaan sa mga proyekto nito.
Ginawang halimbawa ni Rocafort ang bahagi ng isang pribadong lupa na nasakop ng widening ng Bolbok-San Sebastian Road at ang lupang nahagip ng pagpapaluwang ng tulay sa P. Laygo Street, sakop ng Barangay Sabang. Anang kagawad, marapat lamang na mabigyan ng kaukulang kumpensasyon ang mga may-ari ng mga nasabing ari-arian.
Kung hindi aniya ito bibigyang-pansin, nangangmaba umano siyang maging precedent ito ng iba pang pangayyari sa hinaharap na hindi binabayaran ang mga lupang nakukuha ng mga proyekto ng gobyerno.
Dahil dito, pinagtibay ng konseho ang pagpapasa ng may P11-milyong aproprasyon sa ilalim ng new item/account sa 2019 annual budget ng lungsod ng Lipa.|#BALIKAS_News