By JOENALD MEDINA RAYOS
MAKALIPAS ang mahabang diskusyon at pag-aaral ng executive at legislative branches ng pamahalaang panlalawigan, naganap na ang pakikipagkasundong pag-utang ng Pamahalaang Panlalawigan ng P4-bilyon sa Development Bank of the Philippines (DBP).
Nitong nakaraang Lunes, Oktubre 14, pormal na lumagda sa isang loan agreement ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas at ang DBP sa punong-tanggapan ng DBP sa Lungsod ng Makati para sa ₱4-bilyong uutangin ng probinsya para tustusan ang mga Capability Building Undertakings ng pamahalaang panlalawigan at mas mabilis na maisulong ang economic development ng probinsya, kasama na ang pagpapatupad ng mga social services projects para sa mga Batangueño.
Hindi naging madali ang proseso ng pagpasok ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa pag-utang na ito. Bagaman at binigyan ng otoridad ng dating Sangguniang Panlalawigan si Gobernador Hermilando I. Mandanas para makipagnegosasyon sa bangko sa posibleng pag-utang ng lalawigan para nga sa mga nasabing mga programa at proyekto, hindi naman naibigay ng konseho ang otorisasyon para tuluyang makipagkasundo ang lalawigan para sa pag-utang, hanggang sa natapos na nga ang termino ng dating Sanggunian.
Sa pagpapalit ng liderato at komposisyon ng Sangguniang Panlalawigan sa pamumuno ni Vice Governor Mark Leviste, muling binuksan ang mga masinsinang pag-aaral, deliberasyon at mga pagdinig ng mga lupon sa konseho hanggang sa tuluyang mapagtibay ang ordinansa ng pagkumpirma ng hangarin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas na ituloy ang pakikipagkasundo sa DBP para sa isang loan facility at pagbibigay naman ng otorisasyon kay Gob. Mandanas bilang kinatawan ng probinsya.
Sa mga nagdaang pagdinig, ipinaliwanag ni Provincial Administrator Librado Dimaunahan na hindi dahil ang kabuuang loan package ay P4-bilyon ay mangangahulugan ito na isang bagsakan lamang ang pagre-release ng DBP sa pondo, kung kaya hindi rin biglaan ang pagbabayad nito.
Kabilang sa mga proyektong nakakasang pondohan sa pamamagitan ng nasabing DBP loan ang konstruksyon ng mga gusali at pasilidad para sa kalusugan, water treatment, agricultural storage at iba pang may kinalaman sa pangangalaga ng kalikasan, at mga kalsada at tulay; pagtatayo ng mga laboratoryo at paglalagay ng mga angkop na mga kagamitan para sa medical, health at veterinary concerns; pagbili ng mga IT equipment para sa mga tanggapan at paaralan; at, pagbili ng mga ambulansya, engineering heavy equipment, agricultural equipment at iba pang mga sasakyang kakailanganin sa mga panahon ng kalamidad at sakuna.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni DBP Chairperson Alberto Romulo, na marapat lamang na pasalamatan si Batangas Gov. DoDo Mandanas dahil sa kanyang “persistence and perseverance for the landmark victory in the Supreme Court for the betterment of all the local government units in the country.”
Binigyang-diin pa ng dating senador, na ipinamalas ni Gov. Mandanas ang kanyang tapang at paninindigan sa paghahain ng petisyon sa Korte Suprema para sa tamang kabahagi ng mga LGUs sa buwis.
“Everybody endorsed it, but not everybody had the guts to push for it,” pagdidiin pa ni Romulo.
Ang kasalukuyang partnersyip ng lalawigan at DBP ay pagsasakatuparan, aniya, ng mas maganda at makabuluhang public service para sa mga Batangueño.
Bilang tugon, sinabi ni Gov. Mandanas na ang pinakamalaking loan na inaprubahan ng DBP para sa isang LGU ay magiging pagkakataon para sa pamahalaang panlalawigan na makapagbigay ng mas maraming tulong at serbisyo sa mga kababayan at mas maisulong ang kaunlaran ng lalawigan.
“We will use the capability building fund efficiently, expediently and economically,” sabi ng gobernador.
Naging saksi sa naturang agreement signing sina DBP president Emmanuel Herbosa; Executive Vice President Jose Gabino Dimayuga, Head ng DBP Development Lending Sector; Senior Vice President Abelardo Monarquia, Head ng DBP South Luzon Lending Group; at Batangas vice governor Mark Leviste.
Nakiisa rin sa aktibidad ang pamununuan ng Batangas Capitol, sa pangunguna nina Provincial Administrator Levi Dimaunahan at Chief of Staff Abel Bejasa.|May ulat ni Vince Altar; Larawang kuha niEric Arellano