By JOENALD MEDINA RAYOS
BATANGAS City – “KAILANGANG aksyunan kaagad sa lalo’t madaling panahon at may mga dapat managot sa patuloy na pagkasira ng Ilog Calumpang dulot ng walang habas na pagpapadaloy dito ng mga dumi ng baboy.”
Ito ang mariing pahayag ni 5th District Board Member Arthur G. Blanco sa kaniyang Privilege Speech sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas noong Lunes, Setyembre 10.
Pahayag ng lokal na mambabatas, ang hindi lamang dapat pagkakaroon ng malaking kita sa paghahayupan ang dapat binibigyang-pansin, maging maliit mang backyard hog raiser o malaki mang negosyo o kooperatiba. Sa halip, kailangang bigyang-diin din ang responsableng paghahayupan at ang pagbibigay-pansin sa kapakanang pangkalikasan.
Nitong mga nakalipas na linggo, muliang nakita sa Ilog Calumpang ang animo’y dagat ng dumi ng baboy na bukod sa masangsang na amoy nito ay ang pagkasira ng ilog na siyang pangunahing tributary o daluyan ng tubig mula sa itaas na bahagi ng Lungsod Batangas at ng mga bayan ng San Jose, Ibaan, Taysan at Rosario.
Lubos na umanong nakakabahala na ang katatayuan ng Ilog Calumpang na dating kinikilala sa kaniyang kalinisan at kagandahan, bukod pa sa malaking papel nito sa kasaysayan ng lalawigan at lungsod ng Batangas.
Binigyang-diin pa ni BM Blanco na may mga nakarating pa umanong mga sumbong sa kaniya na isang dahilan kung bakit diumano ito nabibigyang pansin o inaaksyunan ng mga knsernadong punong barangay sa mga barangay na nagpapadaloy sa ilog ay ang takot na mawalan ng boto noong nagdaang barangay election at sa mga darating pang halalan. Ngunit aniya tama na dahil sa pamumulitika ay pababayaan naman ang ating Inang Kalikasan.
Dahil dito, hiniling ni Blanco ang tulong ng mga kasamahang board members para agarang maasyunan ang sitwasyon sa Ilog Calumpang. Kailangan aniyang kumilos ang mga konsernadong ahensta o tanggapan ng pamahalaang panlalawigan, gayundin ang Philippine National Police, Department of Environment and Natural Resources, CENRO at maging ang pribadong sektor.
Kaugnay nito, magtatakda naman ng pagdinig ang Committee on Enviromental Protection na pinamumunuan ni 2nd District Board Member Wilson Rivera upang tuluyang matuldukan ang problema sa Ilog Calumpang. Dagdag pa ni Blanco, kung kakailanganing pamunuan ng mga kagawad ng pulisya ang pagpapatupad ng batas ukol dito ay iyon ang dapat mangyari.|#BALIKAS_News