By JOENALD MEDINA RAYOS
MAGBABAYAD ng patung-patong na multa o kung minamalas pa’y maaaring abutin ng pagkabatak ng kanilang mga sasakyan ang naghihintay na parusa sa mga pasaway na drayber o may-ari ng mga sasakyang lalabag sa panlalawigang ordinansang pinagtibay upang magamit nang maayos ang mga pinaluwang na lansangan sa Lalawigan ng Batangas.
Ito’y matapos tuluyang makapasa sa Ikatlo at Huling Pagbasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas nitong Lunes, Setyembre 10, ang ordinansang inakda ni Board Member Arthur ‘Bart’ Blanco ng Batangas City Lone District na may titulong “Ordinance on Transport and Road Usage in the Province of Batangas, and for Other Purposes.”
“Maaaring maituring na very unpopular ang Ordinansang ito at mangangahulugan ng bawas-boto sa ibang lugar, ngunit hindi iyon ang ating tinitingnan dito, kundi ang malaking pangangailangan na magkaroon ng disiplina sa paggamit ng ating mga lansangan at mapakinabangan nang tama ang mga pinaluwang na kalsada sa ating lalawigan,” pahayag ni Bokal Blanco.
“Higit na mahalaga at mas matimbang kaysa pagkabawas ng boto ang bawat drayber na madidisiplina at bawat biyaheng mapapabilis sa pagkawala ng mga nakahambalang na sasakyan o mga iligal na pagparada sa mga gilid ng lansangan,” dagdag pa ng opisyal.
Masasaklaw ng nasabing ordinansa ang lahat ng mga national at provincial highways sa nasasakop ng Lalawigan ng Batangas. Samantalang maiiwan naman sa pangangasiwa ng mga bayan at syudad ang mga municipal at city roads.
Magiging pangunahing ahensya na magpapatupad ng ordinansa ang Provincial Public Order and Safety Services Department (PPOSD) sa pakikipagtulungan sa PNP Traffic Management Division at sa Traffic Management Office ng lalawigan. Itinatakda rin ng ordinansa na ang mga barangay tanod at tauhan ng PPOSD ay magiging deputized personnel o agents ng Land Transportation Office (LTO) sa pangangasiwa ng trapiko at mga lansangan sa lalawigan. Ayon pa kay Blanco, bukod sa masosolusyunan ang problema sa trapiko ay magiging source of revenues para sa lalawigan.
Kapag PPOSS na umano ang nangasiwa ng trapiko, maiiwasan ang padrino system o palakasan at pamumulitika sapagkat hindi maaaring lakarin o ipakiusap ng malalapit sa mga alkalde o ginagawang dahilan ang pagiging malapit sa mga alkalde o iba pang opisyal ang pagsuway sa batas trapiko. Upang masigurong mangyayari ito, ang mga barangay tanod na magsisilbing traffic enforcer ay hindi maaaring manghuli sa kaniyang respective barangay upang maiwasan na ‘lakarin’ ang mga mahuhuling sumusuway sa ordinansa.
Sa mga sasakyang mahuhuling nakaparada o iniwan sa mga gilid ng lansangan, P500 ang nakatakdang multa sa unang paglabag, P1000 sa ikalawang paglabag, at P1,500 naman sa ikatlong paglabag. Ipinagbabawal din ng ordinansa maging ang mga pagbitin sa anumang uri ng sasakyan, kabilang na ang pag-angkasa sa bisekleta, roller skates at iba pang katulad nito.
Samantala, kung ang mga nahuling iligal na nakaparadang sasakyan ay mananatili sa lugar ng kinatitigilan nito ng hihigit saw along (8) oras, ang naturang sasakyan ay babatakin at ii-impound at maaari lamang matubos kapag nabayaran na ang kaukulang gastos sa pag-batak o paghila dito pati ang impounding fee. Kung hindi matutubos ang mga mai-impound na behikulo sa loob ng pitong (7) araw, ito ay maaring i-subasta ng pamahalaang panlalawigan.
Umaasa naman si Blanco na sa pamamagitan ng pagkakaroon ng ngipin ng Ordinansa ay magiging disiplinado na ang mga drayber ay may-ari ng mga sasakyan upang magamit ng maayos ang mga pinaluwang na kalsada sa lalawigan.
Buo naman ang suporta ng mga kasamahang bokal sa pakapagpatibay ng Ordinansa na ngayon ay naghihintay na lamang malagdaan ni Gobernador Hermilando I. Mandanas upang tuluyang maipatupad sa lalo’t madaling panahon.| #BALIKAS_News