NILINAW ni Batangas City Vice-Mayor Emilio “Doc Jun” Berberabe Jr. sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod nitong Martes, November 27, na hindi siya kakandidato sa pagka bise gobernador ng Lalawigan ng Batangas sa susunod na halalang lokal sa Mayo 13, 2019.
Binigyang-diin ng opisyal na walang katotohanan ang mga lumulutang na balita na siya ang magiging substitute candidate kay Reynan Bool, kandidato sa pagka-bise gobernador ng partidong Pederalismong Dugong Dakilang Samahan (PDDS).
“Gusto ko pong linawin ang mga haka-haka at mga balita na ako raw po ay tatakbo bilang vice-governor ng probinsiya. Sa katunayan po, marami po ang lumalapit sa akin, tumatawag at nag-iimbita para sa mga meeting. Lilinawin ko na wala po itong katotohanan. Ang tatakbuhan ko po ay vice-mayor pa rin ng lungsod ng Batangas,” sabi ni Berberabe.
Aniya pa, bagama’t nakakatukso ang mga alok ng ibang partido para siya ay tumakbo sa pagka bise gobernador, ang puso niya ay nasa Sangguniang Panlungsod.
“Matapos po naming mag-usap-usap ng aking pamilya, napagkasunduan po namin na ituloy ang laban para sa lungsod. Mahal ko po ang Sangguniang Panlungsod dahil pamilya na po ang turing ko sa lahat ng empleyado dito,” dagdag ni Berberabe.
Ayon sa itinakda ng Comelec na Calendar of Events kaugnay ng May 13 Synchronized National and Local Elections, may panahon pa hanggang Nobyembre 29, 2018 upang mag-withdraw ang mga nagsipaghain ng Certificate of Candidacy at mag-endorso ng kapalit (substitute) na kandidato ang mga partido pulitikal.
Isa rin aniya sa pumigil sa kaniyang pagtakbo sa probinsiya ay ang pagkakaroon ng pagkakaisa ng mga opisyales ng lungsod na pawang kabilang sa binuong One Batangas.
“Buong-buo po ang suporta ko sa ating punonglungsod, Mayor Beverley at Congressman Marvey. Kitang-kita naman natin na swak na swak ang kanilang tandem, at nais ko pong maging katuwang nila para sa patuloy na pag-unlad ng ating lungsod,” pagtatapos ni Berberabe.|May ulat ni JERSON J. SANCHEZ