LIPA City — WALANG himala at hindi itinuturing ng Simbahang Katolika na may milagrong naganap sa sinasabing ‘Shower of Petals’ at alleged Marian apparitions sa Carmel Monastery noong taong 1948, kaya walang dahilan para ipagdiwang ang ika-75 taon ng nasabing insidente.
Ito ang buod ng liham ng Kaniyang Kabunyian, Luis F. Cardinal Ladaria, bilang prefect ng Dicastery for the Doctrine of the Faith, kay Lubhang Kgg. Obispo Pablo David, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) noong Mayo 8, 2023.
Ang Dicastery for the Doctrine of the Faith ang pangunahing opisina sa Roma na nangangasiwa sa pagpapalaganap ng Doktrina Kristiyana at mga turo ng Simbahang Katolika.
Sa naturang liham, binigyang-diin ni Cardinal Ladaria na noon pa mang Disyembre 11, 2015 ay ibinaba na ng Vatican ang desisyon nito batay sa ginawang mahabang pag-aaral at imbestigasyon na ang sinasabing shower of petals sa Monasteryo ng mga Madreng Karmelita sa Lipa ay “no supernatural character or origin”.
Ang dekretong ipinalabas noong 2015 at bilang tugon sa pagpapalabas ni Lipa archbishop emeritus Ramon Arguelles ng panibagong dekreto noong Setyembre 15, 2015 na nagsasabing milagroso at totoo ang aparisyon sa Lipa, bagay na itinuturing ng Vatican na lantarang pagsalungat sa nauna nang desisyon ng Simbahang Katolika noon pa mang Marso 29, 1951.
Sa nasabing dekreto ng Vatican noong 2015, sinasabing sinuway ni Arsobispo Arguelles ang matagal nang naibabang desisyon ng Simbahang Katolika na inaprubahan ni Papa Pio XII, bagay na nakapagdulot ng pagkalito sa mga mananampalataya.
Dahil dito ay ipinabatid ni Obispo David sa lahat ng mga obispo sa Pilipinas ang naturang kalatas ng Roma sa pamamagitan naman ng kaniyang liham-sirkukar sa mga obispo noong Hulyo 14, 2023.
Bilang pagtalima naman at pagpapakita ng kaisahan sa Vatican, ipinalabas ng Lubhang Kgg. Gilbert Garcera, arsobispo ng Lipa, ang isang sirkular na may petsang Agosto 8, 2023 na nag-uutos ng pagbabawal ng anumang gawain sa Setyembre 12, 2023 kaugnay ng ika-75 taon ng nasabing umano’y hindi totoong aparisyon. Dahil dito, ibinabawal ang pagdaraos ng nobenaryo o triduum, at lahat ng gawaing iniuugnay sa nasabing kaganapan.
Idinagdag pa sa sirkular ni Arsobispo Garcera na bagaman at nababatid niyang hindi madali para sa mga mananampalatayang kumilala sa umano’y aparisyon ng Mahal na Birheng Maria na tanggapin ang hatol ng Roma, ngunit iyon ang katotohanan ng pananampalataya — ang sumunod sa dekreto at gaya ng panawagan ng Mahala na Birhen, nawa’y maging mababang-loob at maging masunuring mga anak.| – BALIKAS News