LOBO, Batangas – IKINANDADO na ng mga tauhan ng pamahalaang bayan ng Lobo nitong nakalipas na Lunes, Nobyembre 28, ang dalawang malalaking negosyong industriyal sa bayang ito, bunga ng kawalan ng kaukulang permiso upang makapag-operate nang ligal.
Pasado alas-diyes ng umaga, pormal na inihain ng Joint Inspection Team (JIT) sa pangunguna ni Municipal Treasurer Leandro M. Canuel, pinuno ng JIT/Business/Licensing Permits ang Closure Order sa Efren Ramirez Construction and General Services Corp. (ERC) na may tanggapan sa Barangay Poblacion sa bayang ito.
Batay sa naturang Closure Order na pirmado ni Lobo Mayor Lota L. Manalo, halos isang taon ng patuloy ang operasyon ng naturang kumpanya nang wala itong Mayor’s Permit / Business Permit.
Nabatid din na noon pang Enero 17, 2023 nang unang ipagbigay-alam ng pamahalaang lokal sa ERC na wala ng balidong Contract of Lease sa pagitan ng pamahalaang lokal at ng kumpanya kaya nanatiling iligal ang pamomosisyon ng ERC sa naturang lugar.
Nabatid pa na ang dating may hawak ng Contract of Lease sa lugar ay ang FS Suntan na siya ring may hawak ng kontrata para sa dredging ng Lobo River. Kalaunan ay naipasa ng FS Suntan ang naturang contract of lease sa ERC ngunit nag-expired na ito noon pang Hunyo 30, 2022.
Makalipas ang mahigit kalahating taon, binalikan ng pamahalaang lokal ang ERC noong Hulyo 17, 2023 upang muling ipaalaala ang kawalan ng contract of lease, kaya kailangang bakantehin na ng ERC ang naturang lugar.
Sa kabila nito, nanatili pa rin ang operasyon ng ERC sa lugar, kung kaya’t pinadalahan na ito ng Final Demand Letter noong Agosto 4, 2023, kung kailan ay nilinaw rin ng munisipyo na walang Business Permit to operate ang crushing plant ng kumpanya. Ngunit nagpatuloy pa rin umano ang ERC sa operasyon nito, partikular ang crushing plant nito, dahilan upang ihain na ang Closure Order.
Una’y tumanggi ang pangasiwaan ng ERC na tanggapin ang Closure Order ngunit kalaunan ay tinanggap din ni Elmer Rada Jr., for and in behalf of Engr. James Dasep.
Samantala, bukod sa naturang crushing plant, ipinag-utos din ni Mayor Manalo ang pagpapasara sa batching plant ng ERC sa compound nito sa Barangay Mabilog na Bundok sakop pa rin ng bayan ng Lobo.
Bukod sa mga usaping pangkalikasan ata pangkalusugan, wala rin umanong Business Permit ang ERC para sa operasyon ng naturang batching plant.
Bago ang paghahain ng mga naturang closure orders, nagpalabas muna ng Notice of Violation si Engr. Cynthia U. Maranan, OIC-Municipal Planning and Development Coordinator / Zoning Administrator may petsang Nob. 24, 2023 upang ipa-batid sa ERC ang umano’y mga paglabag sa batas ng kumpanya gaya ng kawalan ng locational clearance at mayor’s permit sa operas- yon ng mga makinarya nito.
Samantala, ipinaliwanag ni Mayor Lota Manalo kung paano nag-ugat ang problema sa operasyon ng ERC. Anang punumbayan, matapos siyang maupo bilang bagong punong ehekutibo ng bayan ng Lobo, inalam niya ang estado ng lahat ng mga kumpanyang may operasyon sa kanilang bayan upang matiyak ang ligalidad ng mga ito at ang pagbabayad ng karampatang buwis.
Dito umano nakita ang mga iregularidad sa operasyon ng ERC, partikular nga ang crushing plant at batching plant nito.
Ayon pa kay Mayor Manalo, sa kanilang pag-aaral ay hindi na kailangan pang magkaroon ng renewal sa mga nag-expired na Contract of Lease at dredging operation sa Lobo river sapagkat malawak at malalim na ito kaya wala ng banta ng pag-apaw at pagbabaha ito.
Bukod dito, ang lugar na kinatatayuan ng crushing plant ay isang mixed residential at agricultural area at hindi industrial zone. Nakatakda na rin aniyang gawing isang community park ang lugar, kaya wala ng dahilan para makapag-renew ng lease contract dito.
Dagdag pa rito ay may mga reklamo na rin umano ang mga residente malapit sa lugar na iniuugnay ang matinding alikabok na nanggagaling sa planta na lubhang nakaaapekto sa kalusugan ng mga residente, particular ng mga bata at mga senior citizens.| – Joenald Medina Rayos