By JOENALD MEDINA RAYOS
BAUAN, Batangas – HINDI nakapalag ang isang tambay na hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na gamot nang ikasa ng mga tauhan ng Bauan Municipal Police Station sa pamumuno ni PSI Simeon Maldonado ang isang buy bust operation nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni PCI Bjon Ugay Revecho, nakatalagang hepe ng pulisya rito, ang naarestong si Jay-ar Lingon y Madjos alias “Moks”, 24 anyos, binata, tubong Pinamalayan, Oriental Mindoro at residente ng Brgy. 19, Poblacion, Batangas City.
Matagal na umanong minamanmanan ng otoridad ang suspek at matapos makumpirmang positibong nagtutulak ito ng droga, nakipag-ugnayan na ang Bauan PNP sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Regional Office 4A at ikinasa ang buy bust bandang alas-diyes ng gabi, Hulyo 27, sa S. Ylagan St. Brgy.Poblacion IV, Bauan, Batangas
Unang nakumpiska sa suspek ang marked money na P1,000.00 at ang isang sachet ng hinihinalang shabu na binili sa suspek. Ngunit nang halughugin na ito ng otoridad, nakapkap dito ang isang transparent plastic zip lock na naglalaman ng 21 sachet pa ng hinihinalang shabu.
Nakapiit na ngayon ang arestadong suspek sa locked up facility ng Bauan Municipal Police Station habang inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kaniya.|#BALIKAS_News