Business News News Features

Erwin Tulfo, idineklarang persona non grata sa Balayan; Fronda, itinaggi ang mga paratang ng mamamahayag

By JOENALD MEDINA RAYOS

BALAYAN, Batangas – IDINEKLARA nang persona non grata ng Sangguniang Bayan dito ang news personality na si Erwin Tulfo dahil sa umano’y malaking perwisyo o kapinsalaan sa bayan ng Balayan kaakibat ng matinding pagmumura nito kay Punumbayan Emmanuel Salvador II P. Fronda nitong nakalipas na linggo sa social media.

Sa regular na sesyon ng konseho noong Miyerkules, inihain ni Kagawad Joebert Mapalad ang isang resolusyon na ideklarang persona non grata dito ang naturang mamamahayag.

Aniya, malaking kapinsalaan sa imahen ng bayan ng Balayan ang mga paratang ni Tulfo na tila baga sa pagsasabing ang bayan ng Balayan ay isang natutulog at walang pag-unlad na munisipalidad ay ipinakakahulugan na maging ang mga bumubuo ng konseho at iba pang opisyal dito ay hindi nagtatrabaho ng maayos para sa ikasusulong ng kanilang bayan.

Mariing itinanggi naman ni Kagawad Danilo Pamintuan na may kinalaman siya sa pagmumurang ito at panlalait ni Tulfo. Nakikisimpatiya umano siya sa taumbayan at kay Mayor Fronda at nakikiisa sa pagkondena ng konseho sa masamang ginawa ng mamamahayag.

Dagdag ng kagawad, lubos niyang ipinagtataka kung bakit nadawit ang kaniyang pangalan sa bagay na wala naman siyang kaalam-alam.

May dalawang linggo na ang nakaraan, sunud-sunod na pagbatikos ang ginawa at malutong na pagmumura ni Tulfo kay Mayor Fronda na naka-upload sa internet.

Akusa ni Tulfo, may mga nagsumbong umano sa kaniya na ang mga negosyante sa Balayan ay nagrereklamo dahil sa kabilan ng mga kumpletong requirements ay hindi binibigyan ng business permit o iniipit ng alkalde ang mga nasabing business permit dahil sa ang mga negosyanteng ito’y makakakumpitensya ng alkalde sa pagnenegosyo.

Dagdag pa ni Tulfo, lahat na umano ng klase ng negosyo sa Balayan gaya ng quarry, gasolinahan, konstruksyon at iba pa. Ipinagdiinan pa nito na may nakasampa sa Departmnt of Justice (DoJ) na kaso ng pangagahasa laban sa alkalde nna dapat aniyang siyang harapin at linisin ang kanyang pangalan.

Ikinasama naman ng loob ng mga Balayeño ang nagging asal ng mamamahayag at sinabing hindi naman ganoon ang kanilang alkalde.

Sa isang panayam, sinabi ni Mayor Fronda na alam ng kaniyang mga kababayan na hinding-hindi niya pinapayagan ang pagku-quary sa nasasakupan ng Balayan at alam di niyang ito ang programa ni Pangulong Rodrigo Duterte. Patunay din aniya ang pagpasok ng mga small players na gasolinahan na walang katotohanan ang mga paratang ng pagpigil niya sa mga negosyong katulad nito.

Dagdag pa ng alkalde, ang taumbayan mismo ang makakapagpatunay na patuloy na sumusulong ang bayan ng Balayan, na maging ang palengke rito ay buhay na buhay maging sa kalaliman ng gabi, at ang mga commercial at rural banks ay may matatatag na mga sangay dito.

Nilinaw din ni Mayor Fronda na noon pa niyang Enero ay napawalang-bisa na ang isinampang kaso ng panggagahasa laban sa kaniya |#BALIKAS_News