News

Inagurasyon ng 3rd Calumpang Bridge ipinagbunyi

NAGING isang masayang pagdiriwang ang inagurasyon ng 3rd Calumpang Bridge na pinangalanang Bridge of Progress at itinuring na legacy ni dating  Mayor Eduardo Dimacuha  na siyang nangarap at nagbigay-daan sa proyektong ito  upang magkaroon ng isang maganda at matibay na tulay na makakabawas sa trapiko sa lungsod.

Ang P338-million EBD Bridge of Progress na bumabagtas mula sa Sitio  Ferry  Kumintang  Ibaba, Calumpang River hanggang Gulod Labac ay itinuturing na kauna-unahang box girder type superstructrure-design  bridge sa bansa at idinisenyo upang makayanan ang pinakamalakas na bagyo o lindol. Ito ay may habang 140 metro, 100 metro sa bawat approach  at 15 metro ang lapad. Mayroon din itong bike lanes sa magkabilang tabi.

Sinimulan ang inagurasyon ngayong April 30 sa pamamagitan ng Banal na Misa ganap na 4:30 ng hapon  sa may Sitio Ferry na pinangunahan ni Msgr. Rafael Oriondo. Pagkatapos  nito ay  naglakad ang mga tao sa tulay habang ito ay binabasbasan  ng parish priest ng Basilica of the Immaculate Conception na si Fr.  Aurelio Dimaapi  kasama si Msgr. Oriondo  hanggang sa  dulo nito sa Gulod  Labac sa pangunguna ni Mayor Beverley Dimacuha, Congressman Marvey Mariño, Team  EBD at iba pang opisyales ng lungsod.

Sa kanyang  mensahe,  sinariwa ni Mayor  Beverley ang pagkasira ng dalawang mahahalagang tulay sa sentro ng lungsod dala ng malalakas na bagyo –ang Bridge of Promise at Calumpang Bridge– na nagdulot ng  hirap  at perwisyo  at nakaapekto sa ekonomiya  ng  lungsod.  Ito aniya ang  nagtulak kay dating Mayor Eddie na magpagawa ng ikatlong tulay upang hindi na mangyari pa ang ganitong epekto ng kalamidad sa buhay ng mga mamamayan.

“Hayaan po ninyong ipaabot ko sa inyo ang aking lubos na kagalakan sapagkat ngayon lamang po, sa buong kasaysayan ng lungsod ng Batangas, magkakaroon ng tatlong tulay na mag-ugnay sa dalawang pangpang ng Calumpang River,” sabi ng  Mayor.

Sinabi naman ni Cong. Mariño sa unveiling ng marker na ang “tulay na ito ang magpapatuloy ng progreso para sa lungsod ng Batangas.”

Isang pagtatanghal naman ng mga local bands at dalawang kilalang banda na 6 Cycle Mind at Sandwich ang nagbigay-aliw sa mga dumalo sa masayang kaganapan. 

Binuksan na rin ang  tulay sa mga pribadong  sasakyan muna sinumula noong May 1.   Bawal dumaan dito ang mga truck at iba pang  malalaking sasakyan.  Ayon  kay  Engr.  Francis Beredo, hepe ng Transportation Development and Regulatory Office (TDRO), magkakaroon muna ng isang linggong “dry run” bago padaanin dito ang mga public utility  vehicles.|Angela J. Banuelos