KAMBAL na usaping legal ang kinakaharap ngayon ng punumbayan ng San Pascual at kasalukuyang pangulo ng League of Municipalities of the Philippines (LMP)-Batangas matapos pormal na ipagharap ng magkahiwalay na reklamo sa Tanggapan ng Ombudsman sa Lungsod Quezon.
Unang isinampa ni San Pascual Vice Mayor Antonio Dimayuga ang mga reklamo laban kay Mayor Roanna Dinglasan Conti noong Lunes, Marso 4, ang pagkakasal ng alkalde sa isang garden resort sa Batangas City o labas sa kaniyang territorial jurisdiction.
Nito naman umaga ng Lunes, Marso 11, personal muling bumalik sa Ombudsman si Dimayuga upang isampa ang isa pang reklamo ng umanoy paglabag sa Anti-Graft and Corruption Practices Act laban kay Conti at sa Human Resource Management Office (HRMO) chief Ronaldo Gonzales Jr., na siya ring tumatayong Municipal Administrator ng bayan ng San Pascual.
Unang Reklamo โ Pagkakasal sa Labas ng Hurisdiksyon
Batay sa 4-pahinang reklamong isinampa ni Dimayuga, lumabag sa ilang probisyon ng batas si Conti sa isang garden resort sa Batangas City noong Enero 23, 2019.
Alinsunod sa itinatadhana ng Family Code of the Philippines, ang mga otorisado lamang magkasal ay ang sumusunod: mga kasapi ng hudikatura; pari, rabbi, imam o mininstro ng ano mang relihiyon na rehistrado at may otorisasyon ng civil registrar general; kapitan ng barko o punong piloto sa ilang sirkumstansya; kumander ng milira kapag wala ang kapelyan; at ang consul-general o vice-consul sa ilang sirkumstansya rin.
Alinsunod naman sa probisyon ng Seksyon 444, Par. (b)(1)(xviii) ng Local Government Code, ang isang punumbayan ay binibigyan ng kapangyarihan o otorisasyon na magkasal sa loob ng kaniyang nasasakupang munisipyo, gaya ng pagkakasal ng isang huwes sa lugar na nasasakop lamang ng kaniyang hurisdiksyon.
Batay sa mga dokumentong nakalap ng Balikas, nagkasal si Conti noong Enero 23, 2019 sa Maribelleโs Garden sa barangay Libjo, Batangas City โ isang lugar na malayo at hindi sakop ng kaniyang hurisdiksyon bilang alkalde ng San Pascual.
Nakasaad pa sa reklamo na batay sa mismong mga posts ng alkalde sa social media, hindi maipagkakaila na siya nga ang nagkasal kina Jhun Chrysler Cueto at Jefrilyn Joyce Gupit-Cueto sa Libjo, Batangas City, gayong ang otorisasyon niyang magkasal, alinsunod sa batas, ay limitado sa bayan ng San Pascual kung saan siya ay inihalal bilang punumbayan. Ito, ayon sa reklamo ni Dimayuga, ay nagpapakita ng โgross ignorance and lack of understanding of the basic principles of civil law,โ ng inirereklamong punumbayan.
Sa katulad na kasong Rodolfo G. Navarro versus Judge Hernando C. Domagtoy na dinesisyunan ng Kataas-taasang Hukuman noong 1996, pinatawan ng Korte Suprema ang huwes ng anim na buwang suspensyon matapos magkasal kina Gaspar A. Tagadan at Arlyn F. Borga sa labas ng kaniyang hurisdiksyon.
Ikalwa โ Pag-AWOL umano noong Christmas Season
Sa ikalwang reklamo naman ni Dimayuga na isinampa noong Lunes, Marso 11, inihayag ng bise alkalde na nagbakasyon umano si Mayor Conti mula Disyembre 20, 2018 hanggang Enero 5, 2019 sa Estados Unidos ngunit hindi naghain ng Official Leave of Absence kaya maituturing na absent without official leave (AWOL) ang alkalde sa mga petsang nabanggit.
Lumutang umano ang katibayang hindi nga nag-file ng leave ang alkalde nang magsagawa ng budget hearing ang Sangguniang Bayan ng San Pascual noong Enero 21, 2019 kung kaialan ay kinumpirma ni HRMO chief Gonzales na hindi nga nagsubmit muna ng maayos na Application for Leave of Absence ang punumbayan bago tumulak patungong Estados Unidos.
Sa naturang budget hearing, lumutang ang usapin ukol sa naturang pagbibiyahe sa abroad ni Conti nang usisain ng tumatayong tagapangulo ng pagdinig, Kagawad Roumel Aguila, nang tinatalakay na ang budget sa Tanggapan ng Punumbayan at mapag-usapan ang tungkol sa pagbibiyahe ng alkalde sa abroad. Dito ay sinabi ni G. Gonzales na ang katatapos na bakasyon sa abroad ni Conti ay may kaukulang aprubadong travel order na may lagda ni Gobernador Hermilando I. Mandanas.
Ngunit ang pagbabakasyon umanong ito ay hindi ipinabatid o walang opsiyal na komunikasyon sa Sangguniang Bayan o kay Bise Alkalde Dimayuga, na ayon sa batas, ay siyang dapat tumayong pansamantalang punumbayan kapag nasa labas ng bansa ang halal na punumbayan.
Sapagkat dahil ang mga travel documents ay mga pampublikong dokumento na kailangang mabatid ng publiko, hiniling ni Aguila kay Gonzales na magsumite sa konseho ng kopya ng mga naturang travel documents ni Conti.
Sa isinumiteng dokumento ni Gonzales sa konseho ng hapon ding iyon, nabatid na bagaman at may Authority to Travel na may petsang Disyembre 18, 2018 mula sa gobernador, ang Application for Leave naman na dapat siyang maunang naka-file ay walang pirma ng punumbayan at wala ring pirma ng gobernador. Wala ring tatak ng Tanggapan ng Pununlalawigan na sa katibayan ay natanggap nga ito ng nasabing tanggapan bago nakakuha ng sinasabing Authority to Travel. Ayon sa Memorandum Circular No. 2017-30 (as amended by MC 2018-197) ng Department of Interior and Local Government (DILG), kailangang may duly-accomplished Application for Leave bago nasabing Authority to Travel.
At sa kabila ng umanoโy iregularidad na ito sa Application for Leave, tumanggap pa rin ng buong sweldo noong Disyembre ang alkalde.
Pahayag ni Dimayuga, hindi umano magandang pamarisan ang umanoโy hindi maayos na pag-file ng leave ni Conti sapagkat kung sakaling may dumating na kalamidad o di magandang mangyari sa munisipyo ay hindi siya makakaganap na pansamantalang punumbayan sapagkat wala siyang kabatiran na wala pala ang halal na punumbayan. Bukod dito, si Conti rin ay siyang kasalukuyang pangulo ng Liga ng mga punumbayan sa lalawigan.
Samantala, sa kaniyang Official Statement na inilathala sa social media, itinanggi ni Conti ang mga pahayag ni Dimayuga at sinabing nakahanda siyang sagutin sa Ombudsman ang aniyaโy mga walang batayang akusasyon ng isang matandang pulitiko na naghahanap lamang umano ng atensyon.|Joenald Medina Rayos