CALATAGAN, Batangas – KABUUANG 24 na piraso ng mga pinutol na kahoy ang nasabat ng mga otoridad, samantalang arestado naman ang pitong (7) kataong sangkot dito sa Barangay Bagong Silang, bayang ito, nitong Martes, Nobyembre 15.
Sa pahayag ni PMajor Von Eric Gualberto, OIC Chief ng Calatagan Municipal Police Station sa panayam ng GMA Regional TV ST, “Napag-utusan po kami ng taas na mag-conduct ng massive surveillance sa mga illegal logging or loggers, nu’ng dinispatch po natin ang ating tropa habang nagpapatrolya, may narinig na chainsaw that leads to operation.”
Pawang arestado at nakakulong na ang anim na lalaki samantalang nasa pangangalaga naman ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang isang menor de edad na lalaki; at nakumpiska naman sa mga suspek ang may 24 piraso ng Philippine mahogany na aabot sa 448 board feet at isang unit ng chainsaw na walang kaukulang lisensya.
Tinatayang nasa Php 20,160 ang halaga ng mga nasabat na kahoy.
Pawang papatawan ang mga suspek ng salang paglabag sa P.D. 705, as amended by E.O. No. 277, Series of1987, na nagbabawal ng pagputol, pagkolekta, at pagkuha ng mga troso o iba pang produktong pangkagubatan sa alin mang kagubatan sa bansa na walang kaukulang otoridad o permiso.
Samantala, nahaharap naman sa kasong paglabag sa R.A. 9175 o batas na nagre-regulate sa pagmamay-ari, pag-iingat, pagbebenta, importasyon o paggamit ng chainsaw ang may-ari ng chainsaw na nakumpiska sa operasyon.
Pahayag pa ni PMaj Gualberto, ginagamit umano na pang-repair ng mga bangka ang mga nasabat na kahoy at ayon na rin sa imbestigasyon ng pulisya ay nagmula pa sa Occidental Mindoro at ibinabiyahe lamang sa Batangas.
Nabatid pa ang nagbibiyahe ng nasabing kahoy mula Occidental Mindoro ay mismong kapatid ng may-ari ng kahoy, ngunit ang isa sa mga nahuling suspek na may-ari naman ng nasamsam na chainsaw ay mismong taga-Batangas.
“We are doing out part to preserve our Natural resources. This illegal activity, especially concerning our preservation of natura;l resources will not be tolerated in the Municipality of Calatagan,” pahayag pa ni PMajor Gualberto.
Nakatakdang ipaubaya na ng pulisya sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang disposisyon ng mga nakumpiskang kahoy at chainsaw, habang inihahand anaman ang kasong isasampa laban sa mga naarestong suspek.|- BALIKAS News