BATANGAS City — WALANG naitalang casualties sa naganap na sunog sa Sitio Ibaba, barangay Sta. Clara, April 6, ayon sa hepe ng Batangas City Bureau Of Fire Protection (BFP), FCInsp Elaine Evangelista na siya ring tumayong Fire Incident Commander (IC) ng binuong Incident Command System sa kanyang pag-uulat matapos madeklarang fire out ito, ika-11:00 ng gabi.
Ayon kay Evangelista masusi nilang sinuri ang lugar ng sunog at wala silang nakitang casualties o palatandaan na may nasawi sa insidenteng ito.
Sa kasalukuyan ay iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog na nagsimula bandang 5:52 at tumupok sa mahigit 100 kabahayan dito. Ito ay umabot sa 4th alarm kung kaya’t rumesponde ang mga fire trucks, ambulance at ibang pang response vehicles and equipment mula sa mga lungsod at bayan sa lalawigan ng Batangas at mga pribadong samahan. Pangunahing nakatuwang ng BFP-Batangas City ang Batangas Filipino Chinese Volunteer Fire Brigade na dagling nakaresponde sa sunog.
Nakatulong sa pamamahala ng insidente si BFP Provincial Director, Farida Ymballa.
Kaagad na pumunta sa lugar ng insidente sina Cong. Marvey Marino at Mayor Beverley Dimacuha upang personal na alamin ang sitwasyon at nagbigay ng instruction sa mga kinauukulan para maisiguro ang kaligtasan ng mga residente at seguridad ng kanilang mga ari-arian. Binisita rin nila ang evacuation center sa Colegio ng Lungsod ng Batangas upang tiyaking maayos ang kalagayan ng mga evacuees dito.
Dumating din dito ang ilang opisyal ng lalawigan at lungsod ng Batangas.
Bukod sa Batangas City BFP naging mabilis rin ang responde ng mga miyembro ng Batangas City Disaster Risk Reduction Management Council (CDRRMC).
Mabilis din ang naging pagkilos ng mga barangay officials at residente ng Sta. Clara at mga karatig- barangay. Rumesponde rin ang ilang mga pribadong ahensya.|PIO Batangas City