In photo: Pinanangunahan ni 3rd District Board Member Alfredo C. Corona (gitna) ang isang committee hearing ng Sangguniang Panlalawigan ukol sa pag-amyenda sa Batangas Provincial Tourism Code na inakda ni Board Member Ma. Claudette U. Ambida (kaliwa). Naniniwala si Corona na higit na maisusulong ang industriya ng turismo sa lalawigan kung maayos na natutugunan ang problema sa peace and order, partikular ang iligal na droga.|BALIKAS FOTOBANK
By JOENALD MEDINA RAYOS
NAKAKASA na ang mga inilatag na panuntunan para sa isang unipormeng pagpapatupad ng programa kontra sa iligal na droga sa Lalawigan ng Batangas.
Ito’y matapos mapagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ang Ordinance on the Drug Clearing Operation in the Province of Batangas na inakda ni 3rd District Board Member Alfredo C. Corona na naglalayong pag-isahin ang mga panuntunang ipatutupad sa lahat ng bayan at lunsod ng probinsya.
“Totoo namang hindi biro ang paglipol sa suliranain sa droga dahil kailangan dito ang pagtutuwang ng pibado at pampublikong sektor. Hindi ito problema lamang ng pamahalaan, manapa’y problema rin ito ng pribadong sector, lalong-lalo na ng mga magulang,” paliwanag ni Corona.
Aniya pa, ang mga panuntunang nakalatag sa ordinansa ay batay sa masinsinang pag-aaral at rekomendasyon ng pambansang pulisya, ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of Interior and Local Goverment (DILG) at ng Dangerous Drugs Board (DDB).
Nakasaad din sa ordinansang ito ang mga gampanin ng mga anti-drug abuse councils at ang standard procedures sa lebel ng barangay, munisipyo, lunsod at probinsya.
Naniniwala si Corona na sa pakapag-abruba ng Sangguniang Panlalawigan ng ordinansang ito ay mas magiging masigasig ang pulisya sa lalawigan para masugpo ang patuloy na lumalalang suliranin sa droga rito.|#BALIKAS_News