PORMAL na sinimulan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ng Provincial Human Resource Management Office (PHRMO), ang pagdiriwang ng ika-118th Anibersaryo ng Serbisyo Sibil ng Pilipinas noong ika-3 ng Setyembre 2018.
Sa gabay ng temang “Lingkod Bayani: Maka-Diyos, Makatao, Makabayan”, naglunsad ang PHRMO, bilang pakikiisa sa Civil Service Commission (CSC), ng iba’t-ibang gawain na may layuning kilalanin ang katapatan at bigyang-parangal ang bawat isang kawani ng ahensya sa kanilang matapat at hindi matatawarang paglilingkod at paghahatid ng serbisyo publiko sa bawat mamamayan.
Bilang panimula, ang nasabing tanggapan ay nagkaroon ng isang pag-uulat patungkol sa kanilang patuloy na pagsusumikap na mas maitaas pa ang antas sa apat nilang dibisyon na kinabibilangan ng (1) Recruitment, Selection & Placement, (2) Career Development, (3) Personnel Relations at (4) Records Management, na may adhikaing mapalawig pa ang pagtugon sa mga pangangailangan ng bawat kawani ng Pamahalaang Panlalawigan na lahat ay alinsunod sa mga alituntunin, regulasyon at batas na nasasaklaw ng CSC.
Sinundan naman ito ng pagkilala sa mga natatanging empleyado o Loyalty awardees kung saan naabot ng mga ito ang milestone o ang paglilingkod at pagbibigay serbisyo publiko sa loob ng lima, sampu at dalawampung taon.
Hatid pa rin ng PHRMO, bilang bahagi ng mga nakalaang aktibidad, ay ang pagbibigay ng Pre-Retirement Seminar at Zumba para sa pagpapatuloy ng kanilang employee wellness program.
Sa aspeto ng pangkalusugan, sa pakikipagtulungan ng Provincial Health Office, naglaan ang tanggapan ng isang linggong serbisyong medikal, kabilang ang pagsasagawa ng Annual Physical Examination at free dental services. Nagkaroon din ng Voluntary Blood Donation para sa mga kawani na boluntaryong nagbigay ng dugo katuwang ang Provincial Blood Council.|Mark Jonathan M. Macaraig