In photo: Bilang kinatawan ni Pununglunsod Jhoanna Corona-Villamor, tinanggap nina City Administrator Caloy Flores, City Planning and Development Officer Aissa Leyesa, City Veterinary Officer Dr. Aries Garcia, OIC-Business Permit, Licensing and Investment Office Marilou Blaza at OIC-City Information Office Maria Teresa S. Buño ang plaque ng pagkilala sa Tanauan City bilang isa sa mga finalist sa 2018 Most Business-Friendly (MBF) LGU Award City Level 2 matapos ang presentasyong inilahad ng lungsod sa isinagawang final judging ng nasabing parangal na ginanap sa tanggapan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) , Oktubre 8, 2018.|Roderick Lanting
By LOUISE ANN VILLAJUAN
LUNGSOD NG TANAUAN, Batangas – Sa ikatlong sunod na taon, muling itinanghal ang Pamahalang Lungsod ng Tanauan bilang isa sa mga ‘finalist’ ng isinagawang Most Business-Friendly LGU Competition sa buong bansa na inorganisa ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI).
Nito lamang Oktubre 8, sumailalim ang lungsod sa “final judging” para sa naturang patimpalak sa ilalim ng City Level 2 category. Kabilang sa ibinida ng lungsod ang mga “accomplishments” at makabuluhang inisyatiba tungkol sa apat na “criteria”: (1) Fast-tracking Sustainable Local Economic Development (LED); (2) Improvement of Ease of Doing Business; (3) Investment Promotion Initiatives at; (4) Initiatives to Enhance Industry/Sectoral Competitiveness.
Bukod sa mga bigating proyektong pang-imprastraktura katulad ng bagong cityhall building, Tanauan City Trading Post, AAA Slaughterhouse, Halal-Compliant Slaughterhouse, Tanauan City Public Market Redevelopment Project at 7.8 km farm-to-market road, itinampok sa presentasyon ng lungsod ang umuunlad na sektor ng Micro, Small and Medium Enterprises (MSME) at mga kooperatiba.
Ipinagmalaki rin ng local na pamahalaan ang umaabot lamang ng 30-minuto hanggang isang oras na proseso ng aplikasyon para sa business permit na resulta ng pagiging sertipikado nitong ISO 9001:2015 at ang paggamit ng e-signature para sa dalawang “signatories” ng tanggapan ng Business Permit, Licensing and Investment Office (BPLIO).
Partikular pang binigyang-diin sa inihandang presentasyon ng lungsod ang mga parangal na natanggap nito gaya ng Philippine Quality Award 2015, Program to Institutionalize Meritocracy and Excellence – Human Resource Management (PRIME-HRM) Bronze Award, kabilang na ang akreditasyon sa Investors in People (IIP) at pagkakaroon ng 51 ISO 9001:2015 certified processes. Ang mga pagkilalang ito ang patunay sa dedikasyon ng pamahalaang lungsod sa pagbibigay ng mataas na antas ng serbisyo sa mga mamamayang Tanaueño at mga “stakeholders” nito.
Bilang karagdagan, ngayong taon, itinanghal ang Tanauan City bilang “Most Resilient City” sa isinagawang 2018 Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI) gayundin ang pag-abante ng lungsod mula sa ika-44 na pwesto patungong ika-19 na pwesto sa “overall national competitiveness”. Bukod pa rito, nakatakda na ring tumanggap ang pamahalaang lungsod ng Tanauan ng prestihiyosong 2018 Seal of Good Local Governance Award.|