By ROMNICL V. ARELLANO
LIPA City – KASUNOD ng pag-anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 16, 2020 na isailalaim ang kabuuang Luzon sa enhanced community quarantine upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 na nagdudulot ng krisis sa bansa ngayon, nangangamba ang publiko na maaaaring lumawig pa ito ng lampas sa Abril 12.
Sa kabila ng pinagdadaanan ng bansa sa, hindi naman nawawalan ng ideya ang ilang kabataan upang labanan ang nasabing disease. Isa na rito ay ang Sangguniang Kabataan ng Barangay Adya ng Lungsod ng Lipa, kung saan ay hinihikayat nila ang mgakabarangay nila na kumasa sa isang Tik-Tok Challenge.
“Ang app na ito ang kasalukuyang trending sa mundo na ginagawa ng mga tao, dahil dito nagkaroon ng ideya ang grupo ng kabataan na magkaroon ng proyekto na TIK-TOK CHALLENGE na ang mga kalahok dito ay hindi na kailangang lumabas ng bahay,” pahayag ni SK Councilor Irish Ipunla.
Ang nasabing proyekto ng sangguniang kabataan ng Barangay Adya ay ideya ng kanilang SK Chairman nasi Joanne Paulus Cueto alinsunod na din sa paghihigpit at pagbabawal ng gobyerno sa paglabas ng tahanan bilang pagsunod sa kautusan ng ating pangulo upang maiwasan pa ang pagkalat ng COVID-19.
Tanging residente lamang ng Barangay Adya ang pwedeng sumali sa proyektong ito, walang age limit, pwedeng isahan o maramihan, at higit sa lahat ay sa loob lamang ng bahay gagawin ang challenge na ito.
Kinakailangan din na makakuha ng maraming likes at shares ang facebook post, pagkatapos na mai-upload ang mgaTik-Tok videos gamit ang hashtag #SKAdyaTikTokChallenge. Walang limitasyon s abilang ng entry.
Pipili ang Sangguniang Kabataan ng top 3 entries na mahahati ang kanilang pagbibigay ng grado sa 50% creativity at 50% execution.
Hanggang Marso 25, 2020 lamang pwedeng magpasa ng entry at sasabihin din ang nanalo sa nasabing araw sa oras na alas-syete ng gabi.
Para naman sa premyo, magbibigay ang Sangguniang Kabataan ng Barangay Adya sa unang mananalo ng Php. 1,500.00, 5 kilong bigas at may kasama pang groceries. Samantalang para naman sa ikalawang mananalo ay Php. 1,000.00 at mayroon din 5 kilong bigas at groceries; samantalang para naman sa panghuling mananalo ay Php. 500.00, 5 kilong bigas at may kasama ding groceries.
Ayon sa nasabing facebook post tungkol sa proyektong ito, magkakaroon din ng special awards at makakatanggap 5 kilong bigas ang most number of likes, most dramatic tiktoker, funniest tiktoker, best tiktok collaboration, cutest baby tiktoker, best family tiktoker at best in choreography.
“Na-express na nila ang creativity nila, nagkaroon pa sila ng chance na manalo ng pera at groceries. Stay at home, as long as nasa bahay ka you are safe. Makinig lang lagi sa magulang at alam nila ang makakabuti sa ‘yo,” mensahe ni Ipunla.| – BALIKAS News Network