AGONCILLO, Batangas – ISINARA muna sa publiko ang Tanggapan ng Punong Bayan at Tanggapan ng Pambayang Administrador simula ngayong araw, Hulyo 13 hanggang Hulyo 22, 2021, matapos magpositibo sa CoVid-19 ang ilang kawani rito.
Sa inilabas na anunsyo ng pamahalaang lokal, isasagawa ang malawakang disinfection process sa nasabing mga tanggapan.
Narito ang kanilang pabatid:
“Ikinalulungkot po namin at ipinagbibigay-alam sa ating mga kababayan na pansamantala po munang isasara ang Tanggapan ng Punong Bayan at Tanggapan ng Pambayang Administrador simula bukas, Ika-13 ng Hulyo, 2021 upang bigyang daan ang pagdi-disinfect sa kadahilanan pong nagkaroon po ng nagpositibo sa Antigen Covid-19 Test na mga kawani ng nasabing mga tanggapan at may direct contact po dito ang lahat naming mga staff.
Alinsunod po sa ipinapatupad na Health Protocol ng DOH at ng ating RHU ay sasailalim po sa 10 Days Quarantine ang may mga direktang nakasalamuha ng mga nasabing nagpositibo kung kaya’t wala po muna tayong magiging transaksyon sa nabanggit na opisina.
At gagawa po ng mga pamamaraan ang ating mahal na Punong Bayan katuwang ang ating mga ahensya ng Lokal na Pamahalaan ng Agoncillo upang ipagpatuloy ang pagbibigay serbisyo partikular po sa ating mga kababayan na lubos na apektado ng pagputok ng Bulkang Taal at pandemya bunsod naman ng Covid-19.
Magbibigay abiso na lamang po kami sa mga darating na araw at sa oras na malampasan po natin ang pagsubok na ito at asahan po ninyo na patuloy po kaming maglilingkod sa kabila ng mga krisis na ating kinakaharap para sa kagalingan at kapakanan ng ating mga mamamayan.
Maraming Salamat Po sa malawak ninyong pang-unawa at pagpalain po tayo ng Poong Maykapal.”
Hanggang kahapon ng umaga, Hulyo 12, may 29 na aktibong kaso ng CoVid-19 sa bayang ito, kabilang na ang apat (4) na bagong kaso.
Kabilang sa apat (4) na bagong kaso na nagpositibo ang, (Case No. 202), Lalaki, 29 years old at (Case No. 203), Babae, 30 years old, mga residente ng Brgy. Mabini; (Case No. 204), Babae, 27 years old, residente ng Brgy. Subic Ibaba; at (Case No. 205), Babae, 23 years old, buntis, residente ng Brgy. Banyaga base po sa naging resulta sa isinagawang Test sa kanila noong nakaraang Ika-10 at Ika-12 ng Hulyo, 2021.
Umabot na sa 161 ang naka-rekober samantalang 15 naman ang namatay sa CoVid-19. Sa kabuuan, pumalo na sa 205 ang kabuuang bilang ng mnaitalang kaos ng CoVid-19 sa bayan ng Agoncillo, Batangas.| – BNN