SA kabila ng umiinit na usapin ng modernisasyon ng industriya ng transportasyon at ang naka-ambang pag-phase out sa mga lumang dyip, hiniling ng Sangguniang Panlungsod ng Batangas sa
Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na huwag nang bawasan ang bilang ng mga public utility jeepneys (PUJs) sa Batangas City.
Sa pamamagitan ng resolusyong inakda ni Kagawad Oliver Macatangay, chairman ng Committee on Transportation, hiniling ng konseho na panatilihin na lamang ang mga kasalukuyang bumibiyaheng PUJ sa Batangas City bagaman umaabot sa 70% sa mga ito ay hindi pasok sa Public Utility Modernization Program.
Ayon sa kagawad, kung mahigpit na ipatutupad ng LTFRB ang polisiya nito, ang nasabing mahigit sa 70% ay hindi makapapamasada sa malapit na hinaharap.
Ipinaliwanag pa ni Macatangay sa konseho na napakahigpit ng ipinatutupad na polisiya ng LTFRB batay sa Joint Memorandum Circular No. 001 Series of 2017 ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Transportation (DoTr) na ipinalabas noong Hunyo 2017 na nag-uutos sa mga local government units (LGUs) na maghanda ng mga local ordinances para sa Local Public Transport Route Plan (LPTRP).
Ang LPTRP Manual ang nagsasaad ng policies, data requirements, at collection methodologies na magsisilbing guide ng mga LGUs sa pagbabalangkas ng kanilang mga LPTRP. Ngunit bago ito, kailangang maunang maisumite ang resolusyon para matiyak na makasok lahat ng PUJ sa lungsod.
“Dito po tayo nagkaroon ng agam-agam. Sapagkat lumalabas sa mga formula na ito ng LTFRB, na lahat ng LGUs ay magkakaroon lamang ng required number ng jeepneys na maaring bumiyahe. Sa kabuuang 1,766 na mga pampasaherong jeep, kung hindi po natin maiisubmit ang resolusyong ito, susundin ng LTFRB ang kanilang computation at mawawala ang halos 70% ng mga pumapasadang jeep dito sa ating lungsod,” paliwanag ni Macatangay
“Marami pong mga kababayan natin ang mawawalan ng hanap-buhay at aminin natin na napakalaki ng epekto nito maging sa mga mamamayan na umaasa sa mga public utility jeepneys upang makarating sa kanilang mga pupuntahan,” dagdag niya.
Sa pagharap naman sa sesyon ng konseho ni Transport Development and Regulatory Office (TDRO) chief Francisco Beredo, nilinaw niya na dapat maisumite ang resolusyon na ito sa lalong madaling panahon bilang paunang hakbang upang masolusyunan ang hinaing ng mga drivers.
“Kapag naisubmit po natin ito, bibigyan po tayo ng LTFRB ng Notice of Compliance. Pag meron na po tayo nito, babalik po kami sa inyo upang makiusap na gumawa na ng ordinansa na magpapatibay sa kahilingan natin na hindi mabawasan ang mga bumibiyaheng jeep sa syudad,” sabi ni Beredo.
Sinagot din niya ang ilang katanungan ng mga miyembro ng konseho hinggil sa nakaambang jeepney modernization partikular ang halaga nito at kung paano ito masusunod ng mga drayber at operators.
Ipinaalam ni Beredo na sa ilalim ng modernization program, mag-iiba ang itsura ng jeepney: sa gilid na ang pasukan imbes na sa likod, may hand brake na, power steering na ang gamit, at mas mahaba kaya mas maraming maisasakay.
Ayon pa sa LTFRB, may nakalaan na P80,000 subsidy para sa 250 units para makagaan sa gastusin.
“Kung matutuloy, ito ay magkakaroon ng kooperatiba upang matugunan ang mga pangangailangan ng drivers na makabili o makapagbuo ng modernong jeepneys. Ang kooperatiba na aniya ang magmamay-ari ng prangkisa at mapo-professionalize na ang pagdi-dispatch ng mga units,” dagdag pa ni Beredo.|Joenald Medina Rayos at Jerson J. Sanchez