MAAARING madaling maibalik sa normal ang mga tahanang naligo sa abo, o ang mga daang nabaon sa abo at putik, ngunit ang mga nangamatay na alagang hayop, palaisdaan at mga halamang sinasaka na nalibing sa mga ibinuga ng pumutok na bulkan ay di maibabalik pang muli.
Ito ang hinagpis ng mga naging biktima ng pagputok ng bulkang Taal, partikular ang mga nasa 7-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) at sa 14-km radius extended danger zone (DZ).
Sa gitna nito, nakakita ng opor-tunidad si Batangas governor at Provincial Disaster and Risk Reduction Management Council (PDRRMC) chairman Hermilando I. Mandanas na hingin ang kolaborasyon ng pribadong sektor, partikular ang nasa construction industry para magamit ang mga volcanic ash sa paggawa ng hallow blocks at iba pang construction materials at maging sa produksyon ng abono para mapakinabangan ng mga apektadong Batangueño.
Anang gobernador, maaaring bilhin sa mga kooperattibang binubuo ng mga apektadong residente, o direkta mula sa ito, ang mga abo na ibinuga ng bulkan sa ilalim ng Cash for Ash Program upang may dagdag na pagkakitaan ang mga apektadong mamamayan.
Kaugnay rin nito, nilinaw ng pununlalawigan na bagaman at hindi kaagad-agad itong maipatutupad, ay patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaang panlalawigan sa mga konsernadong industry players para magkaroon ng kaganapan at tunay na maging makabuluhan ito para sa mga Batangueñong naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal.| Joenald Medina Rayos / BNN
[Ang mga larawan ay mula sa Biñan Eco Center. Kuha ng Biñan City Public Information Office]