By JOENALD MEDINA RAYOS
KASUNOD ng pagbabago ng disenyo ng Calumpang 3rd Bridge, inaasahang matatapos na ito sa pagtatapos ng susunod na buwan ng Disyembre 2018 at bubuksan naman sa publiko sa Enero 2019.
Ito ang tiniyak ni Congressman Marvey Mariño sa panayam ng Balikas News at mga kasamahang mamahayag kaugnay ng mga updates sa mga pangunahing proyektong pang-imprastraktura sa Lunsod Batangas gaya ng tulay, palengke at mga kalsada.
Ayon sa opisyal, maaaring marami ang naiinip sa pagtatapos ng tulay sapagkat target sanang mabuksan sa publiko ito noon pang Mayo 2018 ngunit dahil sa mga hindi inaasahang kadahilanan ay naantala ang konstruksyon nito.
Unang nagging dahilan ng pagkaantala ng tulay ay ang usaping legal na kinaharap ng pamahalaan lunsod matapos maghain ng reklamo ang grupo ni dating Bise Alkalde Jose Y. Tolentino kaugnay ng pag-utang sa Landbank of the Philippines.
Kinailangan ding ilikas muna ang ilang kabahayan sa Ferry Road sa Brgy. Kuming Ibaba at bahagi ng Gulod Labac.
Pormal na isinagawa ang groundbreaking ceremony ng tulay noong Hulyo 23, 2017 kaalinsabay ng pagdiriwang ng ika-48 taong pagiging Lunsod ng Batangas.
Ang 140-metrong tulay ay may apat (4) na lanes at may tig 100 metrong approaches. Natapos na rin ang pinaluwang na 353.40 metrong 4-lane Ferry Road papasok mula sa P. Herrera Street, samantalang ginagawa na rin ang 348.47 metrong magdurugtong sa tulay at sa Batangas-Tabangao-Lobo Highway sa Brgy. Gulod Labac.
Mula sa dating dalawang pier o poste na nasa magkabilang gilid lamang ng ilog Calumpang, binago ang disenyo ng tulay at dinagdagan pa ito ng pier upang mas maging matibay ito. Ito rin ang kauna-unahang tulay sa bansa na may ganitong disenyo na nakakatulad naman ng mga tulay sa bansang Taiwan.
Ang pre-fabricated na bahagi ng tulay ay ginagawa sa Lalawigan ng Bulacan at saka dito binubuo sa Batangas.
Kapag tuluyan ng naitayo ang tulay na ito, inaasahang magluluwag na ang daloy ng trapiko mula sa silangang bahagi ng lunsod papasok sa Poblacion at inaasahan din ang pag-usbong ng komersyo sa silangang bahagi ng Ilog Calumpang.|#BALIKAS_News