By MARIE V. LUALHATI
BATANGAS City — NAMAHAGI ng mga tulong na pagkain sina Mayor Beverley Dimacuha at Congressman Marvey Mariño nitong Huwebes, August 16, sa mahigit sa 1,000 mangingisda na hindi nakapaghanapbuhay ng halos isang linggo dahil sa nagdaang masamang panahon.
Ayon kay Mayor Dimacuha, ang packs of goods na naglalaman ng bigas, mga de lata, noodles at iba pa ay kaunting tulong sa mga apektadong mangingisda.
“Ito po ay ayuda namin sa inyo, dahil alam po namin na halos ay isang linggo na kayong hindi nakakapalaot dahil sa malalaking alon bunsod ng habagat, sana po kahit paano ay makatulong ito sa inyo,” sabi ng Mayor.
Namahagi rin sila ng disaster kit sa ilang barangay.
Ang mga tumanggap ng tulong ay ang mga rehistradong mangingisda sa Fishe-ries Division ng Office of the City Veterinary and Agricultural Services (OCVAS). Sila ay nakatira sa mga baybaying barangay ng lunsod at mga ng Sta. Clara, Wawa, Malitam, Cuta at Sta. Rita Aplaya.
Ang distribution ay pinamahalaan ng City Social Welfare and Development Office katulong ang City Disaster Risk Reduction Management Office at OCVAS.| #BALIKAS_News