By JOENALD MEDINA RAYOS
WALA umanong ‘oil spill‘ na nangyari sa Batangas Bay partikular sa baybayin ng Brgy. Tabangao Aplaya, Lungsod ng Batangas, ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Batangas Station commander Geoffrey G. Espaldon.
Ayon sa opisyal, maituturing na isang insidente ng ‘oil sheen’ ang nangyari sa lugar kung saan ay may nakitang mga bakas ng langis sa dagat. Pinasinungalingan din niya na umabot sa may isang ektarya ang katubigang apektado ng insidente gaya ng kumalat sa social media, kundi nasa humigit-kumulang na 30-metrong baybayin lamang.
Dagdag pa ni Espaldon, hindi pa matukoy ang pinagmulan ng mga nasabing langis sapagkat bukod sa may mga oil companies sa baybayin ay lubhang marami ring malalaking barko at tankers na gumagamit ng Batangas Bay, kaya naman patuloy aniya na nagsasagawa ng monitoring at pagsisiyasat ang kanilang tanggapan kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor upang matunton ang pinagmulan ng mga naturang bakas ng langis.
Sa isang panayam, sinabi ni Pilipinas Shell Refinery Corp. corporate Communications manager Darlito Guamos na siya mismo ang tumawag sa opisina ng Philippine Coast Guard upang ipagbigay-alam ang insidente at humiling na magkaroon ng inspeksyon sa lugar matapos maipagbigay-alam sa kanilang kumpanya ng pamunuan ng Brgy. Tabangao Aplaya ang insidente.
Mabilis na kumalat sa social media ang akusasyon sa Shell at mga barkong gumagamit ng Batangas Bay na umano’y responsable sa nasabing insidente, ngunit sinabi ni Guamos, na mas makabubuting alamin na lamang ang detalye sa ulat ng PCG na siyang nanguna sa imbestigasyon upang maging patas ang ulat.|BALIKAS Network News