GAANO nga ga kahalaga ang isang papelita o Certificate of Live Birth, at gaano kahalaga na tama ang mga datos na nakatala rito para sa isang tao? Bukod sa ito ang pangunahing batayan sa pagkuha ng pasaporte, pag-apply ng visa kapag pupunta sa ibang bansa, sa pag-aaral, pagtatrabaho – partikular sa pagpaparehistro sa SSS, GSIS, Pag-IBIG Fund, at pagkuha ng Tax Identification Number (TIN).
Partikular na tututok muna ang pitak na ito sa usapin ng paggamit ng Certificate of Live Birth sa pag-aaral o sa mga educational institutions. Marahil, marami ang makaka-relate sa usaping ito.
Kapag nag-enrol ang isang estudyante sa isang paaralan, sa elementarya man, sekundarya o kolehiyo, hindi ba’t pinagsusumite na ng Birth Certificate ang isang bata na kung di man agad-agad maisumite sa araw ng enrollment, at least sa unang buwan o bago matapos ang unang semestre, grade o year level ay tinitiyak ng paaralan na maisumite ito. Kaya naman, nangangahulugan na sa pagtatapos ng unang baitang, semestre o taon ng estudyante sa paaralan, ay naisumite na ng estudyante ang kaniyang Birth Certificate at naiayos na ng paaralan ang mahahalagang datos sa pangalan, kapanganakan, kasarian, magulang at iba pang kaugnay na datos ukol sa bata/estudyante.
Ngayon, kapag may mga aktibidad, kumpetisyon, pagsusulit, o pagtatapos, ang tanong ay bakit naman kinakailangan pang humingi muli ng Birth Certificate ang paaralan, o sangay o dibisyon ng Department of Education (DepEd), gayong naisumite na ito nung una pa? Hindi pa ba sapat ang sertipikasyon ng paaralan? Hindi ba kapag nag-enrol na muli ang bata sa sunod na taon, ay naroon na rin at intact ang mahahalagang datos ukol sa pagkatao niya? Kaya nga kapag old student ka, ay Report Card lamang ang isusumite mo sa next enrollment mo, di ga?
Hindi ga maayos ang record filing system ng paaralan, ng kagawaran? O tamad lamang konsernadong tauhan dito?
May mga pagkakataon pa na nagre-require na kailangan daw ay yung birth certificate o anumang dokumento ay issued ng Philippine Statistics Authority (PSA) at hindi ng National Statistics Office (NSO), at kinuha within the six months… Aba, at matinding KABOBOHAN ito! Para ho sa kaalaman ng LAHAT (at kapag sinabing lahat, kasama ang mga teachers, pasado man o hindi sa LET, may masteral man o doctoral, superbisor man o kasisimula pa lamang, maging ang mga retirado na ay kasama rin, lahat nga eh), ang record ng NSO at PSA ay IISA, walang nababago, malibang may amendment sa datos ng pagkatao ng isang indibidwal. Ang nabago lamang ay ang ahensya, na ang dating NSO ay naging bahagi na ng PSA, kasama ang iba pang ahensya na nangangasiwa ng istadistika; at walang expiration ang dokumentong galing sa NSO o PSA, maliban ngang may amendment kayo. Ano, malinaw na ga? O, hindi pa?
Ang Philippine Statistics Authority (PSA) ay nilikha noong Setyembre 12, 2013 sa bisa ng Philippine Statistical Act of 2013 o Republic Act No. 10625 na nilagdaan ng noon ay Pangulong Benigno S. Aquino III. Ito ay nabuo nang pagsama-samahin ang dating National Statistics Office (NSO), ang National Statistical Coordination Board (NSCB), ang Bureau of Agricultural Statistics (BAS), at ang Bureau of Labor and Employment Statistics (BLES).
Kaya nang mabuo ang PSA, may iisa nang otoridad ang Pilipinas para sa pagkuha ng mga kaukulang census at magbigay ng napapanahong datos pang-istadistika ukol sa populasyon, pabahay, agrikultura, pangisdaan at negosyo. O ano, malinaw na baga?
Sa pagkakabisa ng RA 10625, hindi nangangahulugan na dahil ang mga datos na iniingatan ng NSO, NSCB, BAS at BLES ay napagsama-sama na sa ilalim ng pangangasiwa ng PSA ay magiging invalid na o walang bisa o mali na. Ang nabago lamang ay ang pangasiwaan ng pangkalahatang istadistika ng Pilipinas. Naroon pa rin at may bisa pa rin ang mga dating datos. Maliban na lamang kung nagkaroon na ng amendment o mga susog o pagbabago. Halimbawa ay nabago na ang maling datos ukol sa petsa ng kapanganakan, ispeling ng pangalan, kasarian, datos ukol sa pagsasama o kasal ng magulang, at iba pa. Mahirap gang intindihin? Di ga naman at kalinaw.
Ngayon, balikan natin ang mga paaralang nahingi ng bagong kopya ng Birth Certificate kapag may mga palaro, kumpetisyon at iba pa. Hindi baga at pag nag-isyu ang paaralan na sa katunayan ang batang ito ay naka-enrol sa taong ito, sapat na may garantiya ang paaralan ukol sa datos ng estudyante, partikular sa kaniyang tamang pangalan, kasarian, kapanganakan at iba pa. Duda ka, hingin mo ang tamang kopya sa paaralan, hindi sa estudyante.
Maging ang mga transferee ay di rin kailangang hingan ng bagong kopya ng Birth Certificate sapagkat malinaw sa DepEd Order na kasama ito dapat sa transfer credentials from school to school.
Isa pang bagay, yung kopya ng papelita na may tatak na ng PSA (o ng NSO) na Certified True Copy ay sapat nang dokumento para isumite sa halip na yung original copy. May nagsasabi na, baka pineke lamang ito, pero ang tanong, kanino gang datos ang magkakaproblema sa hinaharap, hindi ga’t sa kanila rin. Kung ikaw na magulang ay ang inisiip mo ay kapakanan ng iyong anak na mag-aaral, magsusumite ka ga ng peke o maling dokumento? Masyado ng advanced mag-isip ang ilang tanggapan at inisip agad na pineke lamang ang mga dokumento.
Sabi nga sa isang statement ng DepEd Region 3 kaugnay ng kumalat na balita, may ilang buwan na ang nakalilipas, ukol sa umano’y binagong policy ng DepEd na nagre-require ng bagong orihinal na PSA-issued Birth Certificate, ang sistemang ito ay “very expoitative and ignorant”! Aray!!!
May problema pa ga? Teka, sa mga konsernadong tanggapan, balikan nyo muna ang DepEd Order No. 3, s. 2018 at baka naman di nyo pa nababasa. Magbasa muna at nang matuto.|