SAN NICOLAS, Batangas — PORMAL na pinasimulan noong Pebrero 18, 2020 ang pamahahagi ng tulong pinansiyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas para sa pagpapagawa ng mga nasirang bahay ng mga Batangueño dahil sa pagputok ng Bulkang Taal.
Apat na araw matapos ibaba ng Philippine Institute of Volcanogy and Seismology (PHIVOLCS) ang Alert Level ng bulkan sa level 2, binuksan ang Financial Assistance Distribution sa mga Munisipalidad ng San Nicolas at Taal. Sang-ayon ito sa ipinangako ng pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ni Gov. Dodo Mandanas, na bibigyan ng ayuda ang mga nasiraan ng bahay sa oras na mas mabawasan pa ang banta ng muling pagputok ng bulkan.
Isinabay na rin sa pagtitipon ang pamamahagi ng honorarium sa mga barangay volunteer workers – kabilang ang mga barangays health workers, barangay nutrition scholars, child development workers at barangay tanod – senior citizens association presidents at 4Ps beneficiaries.
Sa San Nicolas, kung saan unang nagtungo ang mga taga-kapitolyo, 1,179 na mga pamilya ang nabigyan ng tig-P3,000, na may kabuuang halaga na P3,537,000, bilang panimulang tulong sa pagpapaayos ng kani-kanilang mga bahay. Naglaan din ng tig-P20,000 para sa 16 na barangay ng nasabing bayan para makatulong sa mga pagsasaayos ng kanilang mga komunidad. Sa kabuuan, umabot sa P5,635,000 ang natanggap ng mga taga-San Nicolas.
Samantala, P5,172,000 ang pinaghati-hatian ng 1,724 na mga Taaleño para sa kanilang pagpapagawa ng mga nasirang bahay. Kabuuang P11,622,000 ang ayudang pinansiyal na naipaabot sa bayan ng Taal. Nasa P680,000 dito ang inilaan sa 42 na barangays ng nabanggit na bayan.
Binigyang-diin naman ni Gov. Mandanas na ang tulong na ipinapamahagi sa mga kababayang tinamaan ng nakaraang kalamidad ay “taal” o tunay at mula sa puso.
Maraming Batangueño ang ngayon ay nangangailangan ng suporta dahil sa iba’t ibang kinakaharap na suliranin, kaya naman, dagdag pa ng gobernador, ang pamahalaang panlalawigan ay nakatutok, katuwang ang pamahalaang nasyunal, ibang mga local government units, at mga non-government organizations, upang maging kabalikat ng mga kababayan sa pagbangon.
Pinagkalooban din ng tig-P200,000 ng Kapitolyo ang pama-halaang lokal ng dalawang binisitang bayan, na pondong magagamit nila sa kanilang mga paunang proyekto upang makaahon mula sa naganap na kalamidad.
Ibinahagi naman ni Provincial Administrator Levi Dimaunahan ang pinaplanong permanenteng resettlement area na ipagagawa sa lupang pag-aari ng pamahalaang panlalawigan sa Brgy. Imelda sa Bayan ng San Juan. Kasama ring tinalakay ang mga binabalangkas na mga pagkakakitaan at hanap-buhay dito.
Ipinagbigay-alam din ang kalalagayan ng mga evacuees, mula sa 7-km danger zone radius at permanent danger zone sa volcano island, na nasa interim areas sa Batangas Provincial Rehabilitation Center sa Malainin at Housing Project ng National Housing Authority sa Talaibon, na kapwa nasa Bayan ng Ibaan.
Nakiisa sa pagtitipon ang mga lokal na opisyal ng mga nasabing bayan, sa pangunguna nina San Nicolas Mayor Lester de Sagun at Taal Mayor Pong Mercado, 1st District Board Members Junjun Rosales at Glenda Bausas, 3rd District Board Member Rudy Balba, at mga department heads ng Kapitolyo.|- Vince Altar