By JOENALD MEDINA RAYOS
“TINATANGGAP ko po ng buong lugod ang kanilang hamon. Iyan ay karapatan nila bilang bahagi ng demokrasya…. At ako rin po ay kumpikyansya na kami ay pinagkatiwalaan ng tao, mula sa Congressman na kasama naming, ang vice mayor down to councilors, kaya ho ako ay kumpiyansya na ang tao ay nagtitiwala sa amin… dahil kung sa unang termino namin, kung kami ho ay hindi pinagtiwalaan… sapagkat sa pinaglabanan ho namin, baka ho hindi kami na-straight.”
Ito ang pahayag ni Taysan mayor Grande Gutierrez sa panayam ng mga mamamahayag nitong Lunes ng umaga sa kaniyang tanggapan habang nagkakatipon naman sa harap ng munisipyo ang daan-daang mamamayang Tayseño na kumilos para sa paghahain ng petisyon para sa isang recall election.
Pahayag pa ng alkalde, tinitiyan naman ng kaniyang administrasyon na magiging mapayapa ang sasagot lamang sila sa petisyon sa legal na pamamaraan.
“Wala ho kaming plano o hakbang na masama, wala ho kaming hakbang na makaka-distract ng taumbayan, kasi ang unang-una ho naming intensyon at kagustuhan ay ang kapakanan ho ng taumbayan. Kung kaya’t kung kami ho ay hahakbang ay di (sic) sa ligal na pamamaraan… alam naman ho namin na ang batas, gaya rin ninyo sa media, ay walang pinapanigan,” dagdga pa ni Gutierrez.
Nitong Lunes din ng umaga, pormal na inihain ng nagkakaisang mga residente ng bayan ng Taysan, Batangas ang Petition for Recall sa pambayang tanggapan ng Comisyon on Elections (Comelec). Dahilan ng petisyon, ang pagkawala umano ng kumpiyansya (loss of confidence) ng taumbayan kay Mayor Grande Gutierrez bilang punong ehekutibo ng Taysan.
Ayon sa itinatadhana ng Seksyon 69 ng Republic Act No. 7160 o kilala bilang Local Governemnt Code of 1991, ang kapangyarihang magkaroon ng recall election bunga ng kawalang kumpiyansya sa nakaluklok na mga opisyal ay nasa mga mismong mga rehistradong botante ng isang bayan, lungsod o lalawigan.
Itinatadhana rin ng batas na ang petisyon sa pagkakaroon ng recall election ay maaaring buksan at ihain ng hindi bababa sa 25% man lamang ng mga rehistradong botante sa konsernadong lugar sa katatapos na halalan.
Ayon kay G. Clint Bosch, tumatayong tagapamuno ng mga nagpepetisyong residente, hindi lamang 25% ng rehistradong botante noong nakaraang May 13, 2019 Local Elections ang nagpahayag ng pagsuporta sa isasagawang recall at ang mga ito aniya ay nagpahayag na ng kanilang paglagda bilang kumpirmasyon ng harangaring maisagawa ang recall.
Kasama ni Bosch bilang mga petisyoner ang mga lider ng bawat sektor na sina Antonio Villamin sa usaping pangkapayapaan, Eddie Quartero sa grupo ng mga manggagawa, Norberto del Mundo sa mga pangunahing mamamayan o senior citizens, Mark Anthony Arcega sa sektor ng kabataan, at Sherlyn Peradilla sa sektor ng kababaihan.
Binayaran?
“Unang-una ay malabo pa po yun, yun po ay dadaan pa sa proseso kung saan ho ay yun hong hakbang nilang yun, kagaya nga ho kahapon, ay sila ho ay nasa Sico, Batangas (City), sila ho ay namamayad doon ng sasama sa rally, at ilayo ng malayong malayo, kung mangyayari man po yan ay haharapin ho natin sa legal na pamamaraan, kaya lamang ho ay nakakalungkot, dahil kawawa ho ang taumbayan, kasi ho, magkakaroon ng tension at pagod na rin ho ang taumbayan,” pahayag pa ni Mayor Gutierrez.
Wala namang pinangalanan si Gutierrez na kung sino ang mismong nagbayad sa sinasabi niyang mga binayadan para sumuporta sa pagkilos ng mga taga-Taysan.
“Kusang-loob ho kaming sumama sa pagkilos na ito dahil naniniwala kaming ito ang kailangang gawin para sa aming bayan,” pahayag naman ng mga nagsisama sa pagkilos.
Pormal na tinanggap ng Comelec-Taysan ang nasabing petisyon pasado alas-9:30 ng umaga, Oktubre 28.|-BALIKAS News Network