33.3 C
Batangas
Home Blog Page 143

Masiglang pagkokooperatiba sa Tanauan, umani ng pagkilala

0

LUNGSOD NG TANAUAN, Batangas – DAHIL sa patuloy na pagpapamalas ng mahusay na serbisyo at implementasyon ng mga ibinalangkas na programa para sa kapa-kinabangan ng sambayanang Tanaueno, partikular sa mga kasapi ng iba’t ibang kooperatiba sa lungsod, umani ng sunud-sunod na parangal sa taunang selebrasyon ng Cooperative Month para sa buwan ng Oktubre ang tanggapan ng City Cooperative and Livelihood Development (CCLD), sa pangunguna ni Ms. May Teresita Fidelino.

Isa sa pinakaprestihiyosong karangalang natanggap ng nasa-bing opisina ang Gawad Parangal 1st Placer para sa Best Performing LGU Cooperative Development Office (Component City Level) na nagmula sa Cooperative Development Authority (CDA). Ang para-ngal na ito ay isa sa mga “banner programs” ng naturang ahensya na kumikilala sa mga kooperatiba, LGU, “partner organizations” at “cooperative leaders” para sa kanilang” best practices” at mahusay na pamamahala.

Bukod pa rito, itinanghal rin ang coop office ng lungsod bilang 2018 Regional Winner-Best Perfor ming LGU-CDO sa isinagawang “culminating activity” ng Regional Coop Month Celebration noong Nobyembre 10.

Para naman sa RICH Coop Awards na bahagi ng Annual Coo-perative Month Celebration ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas na ginanapsa Provincial Sports Complex kamakailan, nag-uwi rin ang mga kooperatiba sa lungsod ng mga pagkilala at “cash awards”.

Itinanghal bilang Outstanding Local Cooperative Development Council ang kaukulang konseho ng lungsod at 2nd placenaman para sa Outstanding Cooperative (Micro/Small Category) ang Malaking Pulo Multi-Purpose Cooperative (MPMPC).

Tumanggap din ng Special Citation ang Dayapan Multi-Pur-pose Cooperative para sa Excellence in Information and Records Management (Provincial Level).
Bukod pa rito, kinilala rin si na City May Teresita Fidelino bilang Outstanding Cooperative Development Officer LGU (City Level) at Mr. Tiburcio Atienza ng MPMPC bilang 2nd place Outstanding Manager.

Dinumog naman ng mahigit 600 miyembro ng iba’t ibang kooperatiba sa lungsod kabilang ang mga opisyales ng lokal na pamahalaan sa Tanauan City at pamahalaang panlalawigan ng Batangas, ang isinagawang 12th Cooperative Month Celebration sa temang Partners for Building Resilient and Empowered Communities Towards a Better and Stronger Philippines na ginanap sa Pres. Jose P. Laurel Memorial Gymnasium (Gym1) noong Nobyembre 6, 2018.

Sa pamamagitan ng CCLDO, naisasagawa at naipapatupad ang iba’t ibang programang makapagbibigay ng maayos na hanap-buhay at pagkakakitaan sa bawat mamamayang Tanaueño.|Louise Ann C. Villajuan

Batangas, kinilala bilang Local Autonomy Champion

0

SA katatapos lamang na selebrasyon ng Cooperative Month 2018 na ginabayan ng temang “One Region, One Strong Cooperative Movement”, nabigyan ng natatanging pagkilala ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas bilang Local Autonomy Champion sa katatapos na Regional Star Awards na idinaos sa Sta. Rosa, Laguna noong ika-10 ng Nobyembre 2018.

Ang nasabing pagbibigay parangal ay nakamit sa pamama-gitan ng tanggapan ng Provincial Cooperative, Livelihood and Enterprise Development Office (PCLEDO) na pinamumunuan ni Gng. Celia L. Atienza.

Ayon kay Gng. Atienza, isa sa dahilan kaya natanggap ng lalawigan ang special recognition ay dahil sa ito ang kauna-unahang naglunsad ng cooperative office sa ilalim ng termino ni Governor Dodo Mandanas noong ito ay unang manungkulan bilang Punong-lalawigan noong taong 1995.

Dagdag pa rito, ang probinsya rin ay may malakas na adhikain sa lokal na pamamahala sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa linya ng kooperatiba na may layuning makapagtaguyod ng pag-unlad, pagsasama-sama ng mga kasanayan at halaga sa kabuhayan ng mga komunidad at pagpapatupad ng mga lokal na programa at proyekto tungo sa tuluy-tuloy na pag-asenso.

Samantala, dahil sa ginagawang pagsisikap upang mas mapalawig pa ang cooperative movement, hindi lamang sa loob ng lalawigan, kundi pati na rin sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ang PCLEDO ay napabilang sa listahan ng League of Champions.

Ang PCLEDO rin ang kauna-unahang panlalawigang tanggapan na naitaas sa rango ng Hall of Fame sa Cooperative Development Authority (CDA) Gawad Parangal bilang Best Performing Provincial LGU – Cooperative Office dahil sa pag-uuwi sa naturang titulo ng tatlong magkakasunod na taon, mula 2016 hanggang 2019.|Bryan Louise Mangilin at Mark Jonathan Macaraig

Vatican: Obispo Obviar, isang “venerable”

0

By JOENALD MEDINA RAYOS

VATICAN City – DALAWANG hakbang na lamang ang nalalabi at isa ng ganap na santo ang Batangueñong Obispong Alfredo Ma. Arandia Obviar, ang kauna-unahang Obispo ng Diyosesis ng Lucena sa lalawigan ng Quezon.

Ito’y matapos ipalabas ni Papa Francisco ang dekreto nitong nakaraang Huwebes, Nobyembre 8, naghahayag na ang mabunying Obispo Obviar ay isa ng “venerable” (kapami-pamintuho) o maitututring na modelo ng kabanalan. Sa pamamagitan din ng dekretong ito, kinikilala ng Santo Papa ang uliran at makabayaning pagsasabuhay ni Obispo Obviar ng mga katangian ng isang mabuting Kristiyano.

Sa pamamagitan ng pagdeklara sa kaniya bilang “venerable” dalawang milagro na lamang ang hinihintay ng Simbahang Katoliko, partikular ng Congregation for the Causes of Saints (CCS) para kilalanin ng Santo Papa – una, para sa kaniyang beatipikasyon at ideklarang “beato” o “pinagpala”; at ikalawa, para sa kaniyang kanonisasyon o pagkilala bilang santo o banal.

Binuksan ang proseso ng kaniyang pagiging santo ng Diyosesis ng Lucena at ipinagkaloob ng CCS ang “Nihil Obstat” (walang hadlang) sa pangdiyosesis na proseso noong 2001. Naipagkaloob ang decree of validity noong 2007 at sinimulan ang “Roman Phase”. Noon namang taong 2014, isinumite na ang “Positio” at natapos lamang ang pagrerebyu ng mga teologo noong nakalipas na taong 2017.

SI Venerable Alfredo Ma. A. Obviar at ang mga madre ng Missionary catechists of St. Therese, ang kongregasyon na kaniyang itinatag sa San Narciso, Quezon.|CONTRIBUTED PHOTO

Kilalanin si Obispo Obviar

Isinilang noong Agosto 29, 1889 sa Mataas na Lupa, Lipa, Batangas. Unang nag-aral sa College of St. Francis Xavier sa Maynila at nagtapos ng elementarya noong 1901. Tinapos niya ang kursong Batsilyer ng Sining sa Ateneo de Manila noong 1914, saka tumuloy sa University of Santo Tomas Pontifical Seminary.

Inordenang pari noong Marso 15, 1919 at nagsimula ng kaniyang ministeryo sa Barrio ng Luta (ngayon ay Malvar, Batangas). Sa simula pa ng kaniyang ministeryo ay may katangi-tanging pagpansin na siya sa pagtuturo ng katesismo. Naging Bikaryo Heneral ng noon ay Diyosesis ng Lipa, at naging kumpesor at kapilyan (chaplain) ng monasteryo ng mga madreng Karmelita sa Lipa hanggang sa maging obispo oksilyar ng Diyosesis ng Lipa noong 1944.

Enero 22, 1951, itinalaga siyang Apostolic Administrator ng bagong Diyosesis ng Lucena.

Sa kaniyang marubdob na hangaring mapalaganap ang pananampalatayang Katoliko at makapagbigay ng matibay na pundasyon ng pananampalataya, itinatag niya ang Missionary Catechists of St. Therese (MCST) noong Agosto 12, 1958 sa San Narciso, Quezon.

Upang masolusyunan ang kakulangan sa pari, itinatag din ni Obispo Obviar ang St. Alphonsus School of Theology sa Lunsod Lucena.

Siya rin ang nag-orden noong Marso 17, 1956 kay Reb. Padre Ricardo Vidal ng Boac, Marinduque na kalaunan ay naging arsobispo ng Lipa, naging kardinal at naging arsobispo-emerito ng Arsidiyosesis ng Cebu. [Ang Marinduque ng panahong iyon ay sakop pa ng Diyosesis ng Lucena hanggang sa maging hiwalay na diyosesis noong Abril 2, 1977].

Kabilang din si Obispo Obviar sa mga Council fathers sa pagbubukas ng Ikalwang Konsilyo Batikano mula Oktubre 11hanggang Disyembre 8, 1962.

Matapos ang mahigit 18 taon bilang Administrador, itinalagang maging kauna-unang Obispo ng diyosesis ng Lucena si Obispo Obviar noong Hulyo 15, 1969.

Sumakabilang-buhay ang Obispo sa edad na 89 noong Oktrubre 1, 1978, kapistahan ng kaniyang patrona, Sta. Teresita del Niño Jesus.|#BALIKAS_News

2018 Seal of Good Local Governance, nasungkit ng Tanauan

0

In Photo: Tinanggap ni Acting City Mayor Benedicto C. Corona, bilang kinatawan ni City Mayor Jhoanna Corona-Villamor, ang Seal of Good Local Governance (SGLG) mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) sa isinagawang Awarding Ceremony noong Miyerkules, Nobyembre 7, 2018 sa Manila Hotel. Kabilang sa naggawad ng parangal sina (L-R) DILG Batangas Provincial Director Adelma D. Mauleon, CESO V, DILG IV-A CaLaBaRZon Assistant Director Elias F. Fernandez Jr., CSEE at Regional Director Manuel Q, Gotis, DILG Secretary Eduardo M. Año, Keynote Speakers Representative Jose Enrique “Joet” Garcia III, 2nd District Bataan at Senator Juan Edgardo M. Angara. Makikita rin sa larawan ang bumubuo ng delegasyon ng Tanauan City na sina City Planning and Development Officer Aissa M. Leyesa, Ms. Jacqueline Landicho, OIC-HRMDO, at City Local Government Operations Officer (CLGOO) Quennie Malleon.| JUN MOJARES

By LOUISE ANN. C. VILLAJUAN

LUNGSOD NG TANAUAN, Batangas – SA kauna-unahang pagkakataon, matagumpay na nasungkit ng pamahalaang lungsod sa taong ito ang prestihiyosong Seal of Good Local Governance (SGLG) ng Department of the Interior and Local Government.

Ang SGLG (Pagkilala sa Katapatan at Kahuyasan ng Pamahalaang Lokal) ay ipinagkakaloob sa lahat ng local government units na may mahusay na pangangasiwa o pamamahala sa pitong core areas na kinabibilangan ng Financial Administration, Disaster Preparedness, Social Protection, Peace and Order, Business Friendliness and Competitiveness, Environmental Protection, at Tourism Culture and the Arts.

SI Acting Vice Mayor Benedicto C. Corona matapos tanggapin ang Seal of Good Local Governance Award oara sa Lunsod ng Tanauan.|

Para sa taong ito, nagkaroon ng karagdagang panuntunan o kwalipikasyon ang nasabing parangal bilang hamon ni DILG Secretary Eduardo M. Año sa mga lokal na pamahalaan na tiyakin ang matapat na pagtupad sa kanilang mandato upang makapagbigay ng mahusay na paglilingkod sa mga mamamayang kanilang nasasakupan.

Sa lumabas na resulta ng validation process, tagumpay na pumasa ang LGU Tanauan sa lahat ng pamantayang itinakda ng kagawaran.  Patunay lamang ito sa patuloy na pagpapabuti at pagpapataas ng kalidad ng serbisyong ipinagkakaloob ng pamahalaang lunsod sa mga Tanaueño at mga stakeholders nito.

Kaugnay nito, ang City of Tanauan ang natatanging lunsod sa buong lalawigan ng Batangas na pinagkalooban ng naturang pagkilala.

Sa awarding ceremony para sa Central at South Luzon na isinagawa sa Manila Hotel, Nobyembre 7, na may temang, “SGLG All-in: Reaping the Results of Good Governance”, pormal na iginawad sa lunsod ang marker ng SGLG na tinanggap ng delegasyon ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Acting City Mayor Benedicto C. Corona bilang kinatawan ni City Mayor Jhoanna Corona-Villamor,kasama sina City Planning and Development Officer Aissa M. Leyesa, Ms. Jacqueline Landicho, OIC-HRMDO, at City Local Government Operations Officer (CLGOO) Quennie Malleon.|Louise Ann C. Villajuan

AboitizPower grows nine-month net income by 6% to P16.7 billion

0

ON a year-to-date (YTD) basis, AboitizPower recorded a net income of P16.7 billion in the first nine months of 2018, 6% higher than the P15.7 billion for the same period in 2017.  Non-recurring losses of P1.7 billion were recognized during the period, without which core net income for the first nine months of 2018 was P18.4 billion, 5% higher year-on-year (YoY).

For the period, AboitizPower recorded consolidated earnings before interest, depreciation, taxes, and amortization (EBITDA) of P39.1 billion, an 11% increase from the P35.4 billion recorded in the previous year.

“Our strong financial performance in the first nine months of 2018 was driven by the continuously increasing demand for reliable, affordable, and sustainable power supply. We were able to take advantage of this demand by growing our capacity and our balanced mix portfolio of renewable and thermal assets. We aim to be a supplier of choice by optimizing our facilities to maximize efficiency and reliability and ensure that we can fully support the energy requirements of our customers,” AboitizPower Chief Operating Officer Emmanuel V. Rubio said.

“We hope to sustain this steady growth momentum as we march to our 4,000-MW net attributable target in 2020, allowing us to continue advancing business and communities by providing power supply that is reliable, reasonably priced, and responsibly produced,” Rubio added.

Generation and Retail Electricity Supply

 AboitizPower’s generation and retail electricity supply businesses recorded a consolidated EBITDA of P33.0 billion during the first nine months of 2018, 11% higher than the P29.8 billion during the same period in 2017. The increase was primarily due to contributions from Pagbilao Energy Corporation (PEC) and Hedcor Bukidnon, Inc. (HBI).

Capacity sold during the period under review was flat YoY, from 3,158 MW  to 3,162 MW.

Distribution

During  the first nine months of 2018, AboitizPower’s distribution business recorded consolidated EBITDA of P6.2 billion, 11% higher than the P5.6 billion recorded during the same period last year. For the period, AboitizPower saw energy sales increase to 4,136 gigawatt-hours (GWh), which was 5% higher than the 3,924 GWh recorded for the corresponding period in 2017. This was the result of increased consumption levels across all customer segments.|

Klinika ng Bayan, muling inilunsad sa Batangas, ikakalat sa buong kapuluan

0

By JOENALD MEDINA RAYOS

STO. TOMAS, Batangas – UPANG tuluyang maihatid sa mga higit na nangangailangang mamamayan ang libreng serbisyong medical, muling binuksan sa publiko ang Klinika ng Bayan (KNB) – ang corporate social responsibility (CSR) program ng Baatangas Enhanced Technology System (BETS) sa pakikipagtulungan ng Anakalusugan Party-list.

PINANGUNAHAN ni Reb. P. Nepomuceno D. Fruto ang pagbabasbas sa mga pasilidad ng bagong Klinika ng Bayan sa Sto. Tomas, Batangas, Nobyembre 7, 2018.|JOENALD MEDINA RAYOS

Ang operasyon ng Klinika ng Bayan, na ang orihinal na konsepto ay isang barangay-based medical facility na naglalayong makapagbigay ng libreng serbiyo sa mga mahihirap na Batangueño, ay nagsimulang maglingkod sa mga tauhan ng BETS at kanilang mga pamilya.

Ayon kay Dr. Arnielyn Marasigan-Aguirre, punong tagapangasiwa ng KNB, “ang pagbubukas muli ng Klinika ng Bayan ay nagpapatunay lamang ng isang bagay – na magpapatuloy ang serbisyong pangkomunidad hindi lamang sa bayan ng Sto. Tomas kundi maging sa buong Lalawigan ng Batangas.”

Aniya pa, “katunayan nito, lalo pa naming pinalalakas ang aming operasyon upang matiyak na lahat ng nangangailanan ng aming serbisyo ay matutugunan, partikular ang lubhang mahihirap nating mga kababayang Batangueño.

Suportado ang KNB ng Anakalusugan Party-list na naniniwalang ano man ang katatayuan ng tao sa buhay, ang serbiyong pangkalusugan ang mag-uugnay sa lahat sapagkat ang kalusugan ay concern ng lahat ng tao.

“Ang serbisyo ng KNB ay isang klasikong halimbawa na tunay na serisyong pangkalusugan ang nag-uugnay sa lahat ng tao, kaya naman hindi lamang ito sinusuportahan ng Anakalusugan, kundi nilalayon ding dalhin sa iba pang lalawigan sa buong bansa,” pahayag ni Atty. Adorlito Ginete, dating pangulo ng Batangas Mayor’s League at first nominee ng Anakalusugan Party-list.

SINA Anakalusugan Party-list 1st and 3rd nominees Adorlito Ginete (kanan) at Ower Andal (kaliwa) habang kinakapanayam ng mga mamamahayag sa Batangas.|

Ayon naman kay dating housing czar Mike Defensor, kung tuluyan nang madadala sa malalayong lalawigan ang KNB, lalo na sa mga ilang na lugar na walang pasilidad na medikal, tiyak na mas bababa ang mortality rate sa bansa. Aniya pa, nakalulungkot na karamihan sa mga namamatay sa mga mahihirap na komunidad ay hindi man lamang nalapatan ng gamot o natingnan ng doktor dahil wala man lamang mga klinika o maliliit na ospital sa mga lugar nila.

“Bukod pa rito, mahalagang madala sa mga mahihirap na lugar ang KNB upang mas mapataas pa ang kamalayan sa pag-iwas sa sakit kaysa hihintayin pang magkasakit at pahirapan pang makatagpo ng lunas para rito,” saad naman ni dating Philippine National Railways general manager  Ower Andal.

Sina Defensor at Andal ang ikalwa at ikatlong nominee ng Anakalusugan Party-List.

Pahayag naman ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) spokesman Florante Solmerin, bukod sa BETS, ilan pang small town lottery operator sa bansa ang nakahandang makipagtuwang sa Anakalusugan upang maihatid ang Klinika ng Bayan sa iba pang sulok ng bansa.|#BALIKAS_News

‘Bastusan’ sa Sangguniang Panlalawigan…?

0

By JOENALD MEDINA RAYOS

BATANGAS City – “WALA naman sanang bastusan.” “Kayo ang bastos!”

Ito ang unang sagutang pumuno sa Sangguniang Panlalawigan Building kasunod ng biglaang pagtitindig ng sesyon nitong Lunes ng tanghali, Nobyembre 5.

Sumiklab ang sagutan sa pagitan nina Vice Governor Sofronio Nas Ona, Jr. at 3rd District Board Member (BM) Alfredo C. Corona nang tumanggi ang bise-gobernador na kilalanin ang mosyon ng ilang bokal kaugnay ng pagtalakay sa pinagtibay na ordinansang nagbibigay amnestiya sa mga delingkwenteng may-ari ng mga ari-ariang di natitinag sa lalawigan ng Batangas at ang nakatakdang subasta ng mga ito.

Nauna rito, sa malayang oras ng sesyon, sinuspinde ng konseho ang Internal Rules of Procedure upang mapayagan si 4th District BM Jonas Patrick Gozos na talakayin ang liham mula sa Tanggapan ng Pununlalawigan na may petsang Oktubre 15 at may lagda ni provincial administrator Librado Dimaunahan.

Ayon sa naturang liham, naniniwala ang administrasyon ni Gobernador Hermilando I. Mandanas na malaki ang maitutulong ng pinagtibay na Ordinansa sa mga apektadong may-ari ng mga ari-ariang di naibubuwis, ngunit hinihiling nito na alisin sa Ordinansa ang Seksyon 10 nito na pumipigil sa pamahalaang panlalawigan na magsagawa ng subasta sa mga di-naibubuwis na ari-arian hanggang sa matapos ang taong kasalukuyan.

Pahayag pa ni Dimaunahan sa liham, may sadyang nakatakdang subasta ngayong buwan ng Nobyembre at ang proseso nito ay nagsimula na bago pa napagtibay ang Ordinansa. Naniniwala rin aniya ang gobernador na ang pagbibigay amnestiya sa mga di-naibubuwis na ari-arian at ang pagsusubasta sa mga nakatakda nang isubasta ay kapwa malaki ang maitutulong sa pangasiwaang piskal at pananalapi ng pamahalaang panlalawigan.

Matapos basahin ni Gozos ang naturang liham, itinanong ni Corona kung ang naturang liham ba ay maituturing na isang veto message o kung may sadyang ipinadalang veto message ang gobernador sa pinagtibay na ordinansa. Sagot ni Gozos, ang tingin niya sa naturang liham ay isang “request” o kahilingan gaya ng nakasaad dito at hindi isang veto message.

Pahayag pa ni Gozos, bagaman at may liham ang Tanggapan ng Pununlalawigan noong Oktubre 15 ngunit walang pag-apruba o pag-veto rito hanggang noong Lunes, Nobyembre 5, nangangahulugan lamang na maaaring ideklara nang aprubado ito kahit walang lagda ng gobernador sapagkat lumampas na sa takdang panahon para lagdaan o i-veto ito.

Alinsunod sa itinatadhana ng Seksyon 54 (Title II, Chapter 3) ng Local Government Code of 1991, (a) ang isang ordinansang pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ay kailangang aprubahan o i-veto ng gobernador. Sakali namang i-veto niya ito, (b) kailangan ding ipabatid ito sa Sanggunian sa loob ng 15 araw matapos na matanggap ng kaniyang tanggapan ang sipi nito; kung hindi makatanggap ng gayong veto message ang Sanggunian, idedeklara na itong “deemed approved as if he had signed it”.

Nabatid na tinanggap ng Tanggapan ng Pununlalawigan ang opisyal na sipi ng ordinansa noong Oktubre 8, at sapagkat wala namang natanggap na veto message ang Sanggunian hanggang noong Nobyembre 5, kaya ipinalalagay na natapos na ang 15 araw na palugit na isinasaad sa batas noong Oktubre 23.

Dahil dito, idineklara ni Vice Governor Ona na “deemed approved” ang naturang ordinansa at iniutos sa Secretariat na itala ito sa katitikan (minutes) ng sesyon.

Kasunod nito’y idineklara na rin ni Ona ang pagbabalik sa sinuspindeng Internal Rules of Procedure.

Kaagad namang nagtaas ng kamay si Senior BM Rowena Sombrano-Africa upang magbigay ng kaniyang paliwanag ukol sa ordinansa at sa subastang nabanggit.

“What is the pleasure of the Senior Board Member? Is that related to the ordinance? Wala na yan, deemed approved na, [the Internal Rules is not anymore suspended] and the session has already been resumed!”, pahayag ni Ona.

Ipinaliwanag ni Africa na ang mahalaga ang kaniyang ipapaliwanag, ngunit idineklara ni Ona na out of order si Africa. Tinanong naman ni Africa kung ano ang dahilan ng pagdeklara sa kaniya bilang out of order, ngunit hindi na ito pinansin pa ni Ona.

Kaagad nagtaas ng kamay si Corona at hiniling na magdeklara ng 5-minutes recess, ngunit sa halip na pansinin ito ng bise gobernador, tinanong niya ang kapulungan, “what is the pleasure of the body? Any motion for adjournment?” Naghanap siya ng magmomosyon, at makalipas ang ilang sandali na walang nagmomosyon, tinawag niya si 4th District BM Jesus De Veyra para magmosyon; at saka isinunod na tinawag si 1st District BM Carlo Roman Rosales, Jr. para mag-“second the motion”, at mabilis na tinapos ni Ona ang sesyon.

Pagtayo ni Ona paalis sa upuan ng presiding officer, tumayo na rin si Corona at sinabing “wala naman sanang bastusan.”

Habang mabilis na naglalakad palabas ng session hall ay lumingon naman si Ona at sumagot na “Kayo ang bastos” at nagpalitan pa ng ilang maaanghang na salita ang dalawa kaya naman pumagitna si Batangas City Lone District BM Ma. Claudette U. Ambida at ang ilang kawani ng Sanggunaing Panlalawigan hanggang sa tuluyang makalabas ng bulwagan ang bise gobernador.

Pahayag ni BM Africa, “you’re only the presiding officer, we are all elected here!”

Matapos ito ay humingi ng ilang pribadong sandal si Ambida upang makapagpulong ang mga bokal. Nabatid na humingi ng pasensya sa kanila si Corona sa kanyang naging pananalita na aniya’y ipinagtanggol lamang niya ang institusyon ng Sangguniang Panlalawigan.|#BALIKAS_News

 

 

Grand Terminal Access Road at Balagtas flyover, solusyon sa trapiko

0

By JOENALD MEDINA RAYOS

MATAPOS ipag-utos ng Deparment of Interior and Local Government (DILG) sa mga pamahalaang lokal na ipatupad ng mahigpit ang pagbabawal sa mga tricycle na dumaan sa mga national highways at upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko sa Balagtas intersection, ikinakasa ng lunsod ang pagbutas ng bagong alternatibong kalsada patungong Batangas City Grand Terminal at paglalagay ng flyover sa Balagtas Junction.

Ayon kay Congressman Marvey Mariño, isang alternatibong kalsada ang gagawin mula sa may bahagi ng Alangilan Central Elementary School pa-kanluran hanggang sa makaabot sa Batangas City Grand Terminal.

Sa puntong ito, mababawasan ang travel time patungong grand terminal na hindi na kinakailangang umikot pa sa Balagtas Junction.

Gayundin naman, mayroon na rin aniyang isinagawang pag-aaral para sa isang flyover mula sa exit ng STAR Tollway pakanluran na durugtong sa Balagtas-Bolbok-Pier Diversion Road upang ang mga sasakyang galing sa Diversion Road na papasok sa STAR Tollway at mga galling STAR Tollway na papuntang Diversion/Grand Terminal Area ay hindi na makipag-agawan pa sa masikip na Balagtas Junction.

Aniya pa, kaniyang idinulog na sa pamahalaang nasyunal ang bagay na ito upang mapaglaanan kaagad ng pondo sa malapit na hinaharap.|#BALIKAS_News

[Photo credit to: BarakoPH]

 

Calumpang 3rd Bridge, matatapos ngayong 2018

0

By JOENALD MEDINA RAYOS

KASUNOD ng pagbabago ng disenyo ng Calumpang 3rd Bridge, inaasahang matatapos na ito sa pagtatapos ng susunod na buwan ng Disyembre 2018 at bubuksan naman sa publiko sa Enero 2019.

Ito ang tiniyak ni Congressman Marvey Mariño sa panayam ng Balikas News at mga kasamahang mamahayag kaugnay ng mga updates sa mga pangunahing proyektong pang-imprastraktura sa Lunsod Batangas gaya ng tulay, palengke at mga kalsada.

Ayon sa opisyal, maaaring marami ang naiinip sa pagtatapos ng tulay sapagkat target sanang mabuksan sa publiko ito noon pang Mayo 2018 ngunit dahil sa mga hindi inaasahang kadahilanan ay naantala ang konstruksyon nito.

Unang nagging dahilan ng pagkaantala ng tulay ay ang usaping legal na kinaharap ng pamahalaan lunsod matapos maghain ng reklamo ang grupo ni dating Bise Alkalde Jose Y. Tolentino kaugnay ng pag-utang sa Landbank of the Philippines.

Kinailangan ding ilikas muna ang ilang kabahayan sa Ferry Road sa Brgy. Kuming Ibaba at bahagi ng Gulod Labac.

Pormal na isinagawa ang groundbreaking ceremony ng tulay noong Hulyo 23, 2017 kaalinsabay ng pagdiriwang ng ika-48 taong pagiging Lunsod ng Batangas.

Ang 140-metrong tulay ay may apat (4) na lanes at may tig 100 metrong approaches. Natapos na rin ang pinaluwang na 353.40 metrong 4-lane Ferry Road papasok mula sa P. Herrera Street, samantalang ginagawa na rin ang 348.47 metrong magdurugtong sa tulay at sa Batangas-Tabangao-Lobo Highway sa Brgy. Gulod Labac.

Mula sa dating dalawang pier o poste na nasa magkabilang gilid lamang ng ilog Calumpang, binago ang disenyo ng tulay at dinagdagan pa ito ng pier upang mas maging matibay ito. Ito rin ang kauna-unahang tulay sa bansa na may ganitong disenyo na nakakatulad naman ng mga tulay sa bansang Taiwan.

Ang pre-fabricated na bahagi ng tulay ay ginagawa sa Lalawigan ng Bulacan at saka dito binubuo sa Batangas.

Kapag tuluyan ng naitayo ang tulay na ito, inaasahang magluluwag na ang daloy ng trapiko mula sa silangang bahagi ng lunsod papasok sa Poblacion at inaasahan din ang pag-usbong ng komersyo sa silangang bahagi ng Ilog Calumpang.|#BALIKAS_News

Suspensyon ni Mayor Fronda, binaligtad ng Ombudsman

0

In photo: ITINAAS ni incumbent first district Congresswoman Eileen Ermita-Buhain ang kamay ni Mayor JR Fronda bilang hugyat ng kaniyang suporta
sa re-election bid ng alkalde sa May 13, 2019 national and Local Elections.|

By JOENALD MEDINA RAYOS

BALAYAN, Batangas – BALIK-trabaho na ulit ngayon si Mayor Emmanuel Salvador Frondo Jr. bilang alkalde ng bayang ito, matapos baliktarin ng Ombudsman ang Suspension order na naunang ipinataw nito kamakailan.

Nitong isang Biyernes, Oktubre 26, pormal na inihain ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang hatol ng Ombudsman sa Motion for Reconsideration (MR) na isinampa Mayor JR Fronda matapos suspindehin ng Office of the Ombudsman sa kasong administratibong isinampa laban sa opisyal.

Nag-ugat ang suspensyon ni Fronda sa dating reklamo ng isang 14-anyos na babae sa umano’y panghahalay sa magkakahiwalay na pagkakataon noong taong 2016.

Matatandaang kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng panggagahasa si Mayor JR samantalang sinampahan naman ng qualified seduction si Chief Inspector Christopher Guste, dating hepe ng Balayan police, at si Barangay 12 Chairman Romero Fronda-Erilla, pinsan ng alkalde.

Noon namang Marso 2017, kinasuhan ni Fronda sina NBI agents Aristotle S. Adolfo at Marie Catherine R. Nolasco dahil umano sa violation of Section 1 (b) of Presidential Decree No. 1829, or penalizing obstruction of apprehension and prosecution of criminal offenders; grave misconduct, and conduct prejudicial to the best interest of public service.

Di kalaunan, dinismis ng Department of Justice (DoJ) ang kasong kriminal laban kay Fronda.

Sa kabila nito, umusad naman ang mga kasong administratibo na isinampa sa Ombudsman laban sa nasuspindeng alkalde na nag-ugat din sa sinasabing reklamo ng panggagahasa.

Nauna rito’y nagsampa ng reklamo sina Adolfo at Nolasco sa Office of the Ombudsman [OMB-L-A-17-0045] ng kasong Grave Abuse of Authority, Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service, and Grave Misconduct laban kay Fronda, bukod pa sa isang hiwalay na reklamo [OMB-L-A-17-0049] for Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service, and Grave Misconduct na isinampa naman ni Gng. Almira R. Torres, ina ng sinasabing biktima sa naunang kaso ng panghahalay.

Noong Nobyembre 27, 2017, nagpalabas ang Office of the Ombudsman ng isang Consolidated Decision sa dalawang kasong nabanggit sa pamamagitan ni Graft Investigation and Prosecution Officer II Ma. Czarina D. Castro-Altares laban kay Fronda, nirebyu ito ni Direktor Margie G. Fernandez-Calpatura ng Administrative Adjudication and Prosecution Bureau C noong Disyembre 4, 2017, ngunit umabot pa ng mahigit apat na buwan bago nag-concur si OIC-Assistant Ombudsman Gil Felix A. Hidalgo noong Abril 23, 2018. Kinabukasan rin, nilagdaan ni Deputy Ombudsman for Luzon Gerard A. Mosquera ang recommending approval sa desisyon; at inaprubahan naman ito ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales noong Hunyo 28, 2018.

Paliwanag ng Ombudsman, ang mga isinalaysay sa reklamo ay hindi mapagbabatayan ng husgado upang idiin ang inirereklamong si Fronda sa mga kasong Grave Abuse of Authority, Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service, and Grave Misconduct sapagkat ang mga inirereklamong gawi o inasal ng dating alkalde ay walang kinalaman sa kaniyang pagganap bilang punumbayan ng Balayan. Ngunit ito umano ay di nangangahulugan na walang pananagutan si Fronda sapagkat ang kaniyang inasal at naging gawi ay itinuturing na disgraceful and immoral conduct.

Sa ilalim ng Administrative Code of 1987 at Revised Rules on the Administrative Offense of Disgraceful and Immoral Conduct, ang sinasabing “Disgraceful and Immoral Conduct” is an act which violates the basic norm of decency, morality and decorum abhorred and condemned by the society and conduct which willful, flagrant or shameless, and which shows a moral indifference to the opinions of the good and respectable members of the community.”

Paliwanag pa sa desisyon, “ang mga naging kilos o gawi ng inireklamong opisyal ay malinaw na paglabag sa panuntunang ito, “ang magkaroon ng pagnanasa sa isang menor-de-edad kapalit ng salapi, meron man o walang pagsang-ayon ng biktima, ay kasuklam-suklam lalo na sa isang pampublikong opisyal na inaasahan ng lipunan ang mataas na antas ng kagandahang-asal at moralidad”.

Isinasaad sa Desisyon ng Ombudsman na ang respondent na si “Emmanuel Salvador P. Fronda II is found GUILTY of Disgraceful and Immoral Conduct” kung kaya’t pinatawan siya ng parusang pagkasuspinde ng siyam (9) na buwan ng walang sahod.

Bago tuluyang nagsara ang opisina noong Agosto 30, Biyernes, personal na iniharap ni DILG Batangas director Adelma Mauleon ang Memorandum ng DILG kay Vice Mayor Joel T. Arada na nagluluklok sa kaniya bilang bagong Punumbayan ng Balayan sa pagkabakante ng posisyong iniwan ni Fronda.

Dahil dito, pormal ding iniluklok si first Councilor Marlon Martinez bilang bagong Bise-Alkalde ng Balayan.

Naghain naman ng Motion for Reconsideration sa Ombudsman si Fronda at sa hatol muli ng Ombudsmans a nasabing MR, binaliktad nito ang nauna nitong hatol na suspension kay Fronda.

Sa pagbabalik ni Mayor Fronda sa munisipyo, bumaba rin si Acting Mayor Joel Arada para gumanap muli bilang bise-alkalde. Ani Arada, maluwag sa loob niyang binakante ang posisyon sapagkat alam naman niyang ang pag-upo niya bilang alkalde ay alinsunod sa isinasaad ng batas na kapag nababakante ang tanggapan ng punumbayan ay ang bise alkalde ang gaganap sa tungkulin ng alkalde.

Kapwa naman nagsipaghain ng kandidatura para sa May 2019 elections sina Fronda at Arada. Si Fronda na tatakbo para sa kaniyang 3rd term ay kaalyansa ni incumbent 1st district Congresswoman Eileen Ermita-Buhain sa Nacionalista Party, samantalang si Arada ay tatakbo namang mayor sa ilalim ng PDP Laban na kaalyado naman ni dating Congressman Conrado Apacible at ngayon ay bumabalik ulit sa pagka-konggresista ng unang distrito.|#BALIKAS_News

Balikas News Network